Internet Archive ng mga Marxista
Mga Prinsipyo sa Organisasyong Pampartido 1921

Paunang Salita Ng Tagapagsalin


Napapanahon na para mapagaralan at masapol ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang mga prinsipyo at praktika ng organisasyon ng Partido Komunista. Napakalinaw nitong ipinaliwanag at isinalarawan ang mga tungkulin ng isang Marxista at Leninistang Partido at walang pagaatubiling inilahad ang mga karaniwang mga kahinaan at kamalian at mga maling pananaw hinggil sa gawain ng isang Komunistang Partido.

Layon ng salin na ito na mahikayat ang rebolusyonaryong masang Pilipino na maitayo ang tunay na Komunistang Partido na tatahak sa landas ng proletaryong rebolusyon, at mahikayat ang mga nakatayong Partido Komunista at iba pang partido ng proletaryado at mga kasapi nito na kilalanin ang kanilang kamalian at kanilang iwasto upang maisulong na ang matagal ng naantalang rebolusyong proletaryo sa Pilipinas.

Kaalinsabay, kailangan ring magkaroon ng panimulang gawain upang maipundar ang muling pagtatayo ng Communist International upang mas matatag at malawak na maisulong ng rebolusyonaryong proletaryado ang kanyang adhikaing sosyalismo at komunismo. Kasabay rin nito, kailangang maugat ang paghina ng pandaigdigang kilusang Komunista mula ng pagkabuwag ng Communist International noong panahon ni Kasamang Stalin. Kailangan ding magkaroon ng tamang pananaw sa usapin ng burges na rebolusyon sa panahon ng imperyalismo, at masusing pagtatasa sa mga turo at praktika ni Kasamang Stalin at Kasamang Mao, kung ang mga ito, sa pangkalahatan ay pagpapaunlad o bulgarisasyon ng Marxismo-Leninismo.

Para sa akin, lipas na ang panahon para isulong at pamunuan ng rebolusyonaryong proletaryado ang burges na rebolusyon, kahit sa mga aping bansa ng imperyalismo. Sinasalamin ng mga aping bansa, kagaya ng Pilipinas ang tunay na kapitalistang “kaunlaran” na araw-araw ay kumikitil sa buhay ng malaking bilang ng mga masang manggagawa at mamamayan sa buong daigdig.

Para din sa akin, may mga mayor na kamalian sina Kasamang Stalin at Mao na nagpaatras sa pangkalahatang mga prinsipyo at praktika ng Marxismo-Leninismo. Kaya’t hindi katanggap-tanggap na tanghaling pagpapaunlad ng Marxismo-Leninismo ang Maoismo.

Kailangang walang-tigil na mapagaralan at maisapraktika ang siyensya ng Marxismo, dahil sa ganitong paraan lamang makakamit ng rebolusyonaryong proletaryado ang kanyang ultimong layunin, ang landas ng Komunismo.

Pablo Allende
August 9, 2009


Mga Prinsipyo sa Organisasyong Pampartido

Isang Thesis hinggil sa Organisasyon at Istruktura ng mga Partido Komunista, pinagtibay sa Ikatlong Kongreso ng Communist International ng 1921;
Mass Publications – Calcutta;
Nobyembre 1975;
Inihanda ni David J. Romagnolo, marx2mao.org, para sa Internet (Hulyo 1999).


Sulat ng Tagapaglathala

Ang dokumento na muling inimprenta dito ay ang Thesis hinggil sa Organisasyon ng mga Partido Komunista na ipinagtibay ng Ikatlong Kongreso ng Communist International ng 1921. Inilatag ng batayang dokumentong ito ang mga rebolusyonaryong prinsipyo ng organisasyong Komunista. Isinulat ang burador sa ilalim ng patnubay ni Lenin at ipinagtibay sa Kongresong pinamunuan niya. Pagkatapos sumulat si Stalin noong 1921 ng isang maliwanag na paglalahad ng mga pangkalahatang mga prinsipyong ito sa pampletong Foundations of Leninism (Mga Pundasyon ng Leninismo).

I. MGA PANGKALAHATANG PRINSIPYO
II. HINGGIL SA DEMOKRATIKONG SENTRALISASYON
III. HINGGIL SA MGA TUNGKULIN NG KOMUNISTANG AKTIBIDAD
IV. HINGGIL SA PROPAGANDA AT AHITASYON
V. ANG PAG-OORGANISA NG PAMPULITIKANG PAKIKIBAKA
VI. ANG BAGONG PAMUNUAN
VII. HINGGIL SA PAMPARTIDONG PAMAMAHAYAG
VIII. HINGGIL SA ISTRUKTURA NG ORGANISMO NG PARTIDO
IX. LIGAL AT ILIGAL NA AKTIBIDAD


Organisasyon At Istruktura ng Partido Komunista

I. Mga Pangkalahatang Prinsipyo

1. Dapat umangkop ang organisasyon ng Partido sa mga kundisyon at layunin ng kanyang aktibidad. Dapat maging taliba, maging abanteng seksyon ng Proletaryado ang Partido Komunista, sa lahat ng yugto ng rebolusyonaryong maka-uring pakikibaka at sa susunod na yugtong transisyon tungo sa pagpapatupad ng Sosyalismo, i.e. ang unang yugto ng lipunang Komunista.

2. Hindi magkakaroon ng absolutong tiyak at hindi mababagong anyo ng organisasyon para sa mga Partido Komunista. Saklaw sa mga pagbabago ang mga kundisyon ng maka-uring pakikibaka ng proletaryado sa isang walang katapusang proseso ng ebolusyon, at alinsunod sa mga pagbabagong ito, dapat laging hinahangad ng organisasyon ng proletaryong taliba ang mga angkop na anyo. Ang mga sariling kundisyon din ng bawat bansa ang nagpapasya sa espesyal na pag-aangkop sa mga anyo ng organisasyon ng bawat Partido.

Ngunit ang mga kaibahang ito ay mayroong depinidong limitasyon. Anuman ang lahat ng mga pansariling katangian, ang pinakamahalaga sa pandaigdigang kilusang Komunista ay ang kahusayan ng mga kundisyon ng maka-uring pakikibaka ng proletaryado sa iba’t-ibang bansa, at sa iba’t-ibang yugto na dadaanan ng proletaryong rebolusyon, na lumilikha ng isang komon na batayan para sa organisasyon ng mga Partido Komunista sa lahat ng bansa.

Sa ganitong batayan, kailangang mapaunlad ang organisasyon ng mga Partido Komunista, ngunit hindi upang magtayo ng anumang bagong modelong mga partido imbes sa mga nakatayo na at ilayon tungo sa alinmang absolutong tamang anyo ng organisasyon at sa huwaran na mga konstitusyon.

3. Ang karamihan sa mga Partido Komunista, at samakatuwid, ang Communist International bilang nagkakaisang partido ng rebolusyonaryong proletaryado ng daigdig ay may komon na katangian sa kanilang mga kundisyon ng pakikibaka, na nananatiling kailangan pa nilang labanan ang naghaharing burgesya. Para matalo ang burgesya, at agawin mula sa kanyang kamay ang kapangyarihan, ay para sa kanilang lahat, hanggang sa mga susunod pang pangyayari, ay ang mapagpasya at gumagabay na pangunahing layunin. Alinsunod dito, ang mapagpasyang bagay sa pang-organisasyong aktibidad ng mga Partido Komunista sa mga bansang kapitalista ay ang malawakang pagtatayo ng mga ganitong mga organisasyon, na magagawang ang tagumpay ng proletaryong rebolusyon laban sa mga nagmamay-aring uri, kapwa posible at nakatitiyak.

4. Ang pamumuno ay isang kondisyong kailangan para sa anumang komon na pagkilos, ngunit ang pinakamahalaga, hindi ito matatawaran sa pinakadakilang laban sa kasaysayan ng daigdig. Ang organisasyon ng Partido Komunista ay ang organisasyon ng Komunistang pamumuno sa proletaryong rebolusyon.

Upang maging mahusay na lider, dapat ang Partido mismo ay magkaroon ng mahusay na pamumuno. Alinsunod dito, dapat ang pangunahing tungkulin ng ating gawain sa organisasyon ay ang -- edukasyon, organisasyon at pagsasanay ng mahuhusay na mga Partido Komunista sa ilalim ng mga mahuhusay na mga namununong organo hanggang tumungo sa pamumuno sa proletaryong rebolusyonaryong kilusan.

5. Ang pamumuno sa rebolusyonaryong maka-uring pakikibaka ay nagpapalagay ng mahigpit na pagsama-sama ng mga pinakamahusay na pwersang pansalakay at ang pinakamahusay na pag-aangkop sa bahagi ng Partido Komunista at ng kanyang mga namumunong organo sa walang katapusang pagbabago ng mga kundisyon sa pakikibaka. Higit pa dito, walang duda na hinihingi ng matagumpay na pamumuno, ang pinakamalapit na relasyon sa masang proletaryado. Kung walang ganitong relasyon, hindi pamumunuan ng liderato ang masa, ngunit sa pinakamahusay, ay susunod sa likod ng masa.

Ang mahigpit na pagkakaisa sa loob ng organisasyon ng Partido Komunista ay dapat makamit sa pamamagitan ng demokratikong sentralisasyon.

II. HINGGIL SA DEMOKRATIKONG SENTRALISASYON

6. Ang demokratikong sentralisasyon sa loob ng organisasyon ng Partido Komunista ay dapat maging tunay na pagkakaisa (synthesis), isang kumbinasyon ng sentralismo at proletaryong demokrasya. Ang kumbinasyon na ito ay makakamit lamang sa batayan ng walang-tigil na komon na aktibidad, walang-tigil na komon na pakikibaka ng buong organisasyon ng Partido. Ang sentralisayon sa loob ng Partido Komunista ay hindi nangangahulugan ng pormal at mekanikal na sentralisasyon, kundi ang sentralisasyon ng mga Komunistang aktibidad, pwedeng sabihin, ang pagbubuo ng malakas na pamumuno na handa para sa digma at kaalinsabay ay may kakayahan sa pag-aangkop. Ang isang pormal o mekanikal na sentralisasyon ay ang sentralisasyon ng ‘kapangyarihan’ sa mga kamay ng industriyal na burukrasya, na nananaig sa kalakhan ng mga kasapi, o sa mga masa ng rebolusyonaryong proletaryado na nakatayo sa labas ng organisasyon. Ang mga kaaway lamang ng mga Komunista ang maggigiit na ang Partido Komunista, na namumuno sa maka-uring pakikibaka ng proletaryado at sinesentralisa ang Komunistang pamumuno ay nagnanais na pagharian ang rebolusyonaryong proletaryado. Ang ganitong paggigiit ay isang kasinungalingan. Pati ang anumang agawan para sa kapangyarihan, o ang anumang paligsahan para sa pangingibabaw sa loob ng Partido ay walang anumang pagkakatugma sa mga batayang prinsipyo ng demokratikong sentralismo na ipinagtibay ng Communist International.

Sa mga organisasyon ng luma, di-rebolusyonaryong kilusang paggawa, umunlad dito ang pangkalahatang paglaganap ng dualismo na kagaya rin ng burges na estado, ito ay ang dualismo sa pagitan ng burukrasya at ng ‘mamamayan.’ Sa ilalim ng ganitong nakakapinsalang impluwensya ng burges na kaayusan, umunlad ang paghiwa-hiwalay ng mga tungkulin, ang pagpalit ng walang kahulugan at pormal na demokrasya para sa buhay na pagsama-sama ng komon na pagsisikap at ang pagbiyak ng mga organisasyon sa mga aktibong mga opisyales at pasibong masa. Kahit ang rebolusyonaryong kilusang paggawa ay di maiiwasan na makapagmana ng ganitong tendensya ng dualismo at pormalismo sa isang antas mula sa burges na kaayusan.

Dapat saligang mapangibabawan ng Partido Komunista ang mga pagkakaibang ito sa pamamagitan ng sistematiko at masigasig na gawaing pampulitika at pag-oorganisa at sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapaunlad at pagbabago.

7. Sa pagtatransporma sa isang Sosyalistang pang-masang partido tungo sa isang Komunistang Partido, hindi dapat ikahon ng Partido ang kanyang sarili na ikonsentra lamang ang awtoridad sa mga kamay ng kanyang sentral na pamunuan habang iiwan na walang pagbabago ang lumang kaayusan . Hindi dapat umiral lamang sa papel ang sentralisasyon, ngunit dapat itong aktwal na maipatupad, at pwede lamang itong makamit kung kalakhan sa mga kasapi ay marararamdaman na ang awtoridad na ito bilang isang pundamental na mahusay na instrumento sa kanilang komon na aktibidad at pakikibaka. Kung hindi, lilitaw sa masa bilang isa itong burukasya sa loob ng Partido at sa gayon, malamang na magpapalakas ng oposisyon sa lahat ng sentralisasyon, sa lahat ng pamunuan, sa lahat ng mahigpit na disiplina. Ang anarkismo ay ang kabilang mukha ng burukrasya.

Hindi maiaalis ng mistulang pormal na demokrasya maging ang burukratiko o anarkistang mga tendensya, na natagpuan ang matabang lupa sa batayan ng ganito ngang demokrasya. Samakatuwid, ang sentralisasyon ng organisasyon, i.e. , ang layunin na lumikha ng isang malakas na pamumuno, ay hindi magtatagumpay, kung hinahangad ito sa batayan ng pormal na demokrasya. Ang mga kinakailangan na mga panimulang mga kundisyon ay ang pag-unlad at pananatili ng mga buhay na mga pagsasamahan at nagdadamayang (mutual) mga relasyon sa loob ng Partido, sa pagitan ng mga namumunong mga organo at ng mga kasapi, at sa pagitan din ng Partido at ng masa ng proletaryado sa labas ng Partido.

III. HINGGIL SA MGA TUNGKULIN NG KOMUNISTANG AKTIBIDAD

8. Dapat maging paaralan ng pagsasanay para sa rebolusyonaryong Marxismo ang Partido Komunista. Ang mahigpit na ugnayan sa pagitan ng iba’t-ibang bahagi ng organisasyon at ng kasapian ay nagsasama-sama sa pamamagitan ng pang-araw-araw na komon na gawain sa mga aktibidad ng Partido.

Ang regular na partisipasyon, sa bahagi ng kalakhan ng kasapian, sa pang-araw-araw na gawain ng mga partido, ay kulang kahit ngayon sa mga ligal na Partido Komunista. Iyon ang pangunahing kahinaan ng mga partidong ito, na nagbubuo ng batayan ng tuloy-tuloy na kawalan ng kasiguruhan sa kanilang pag-unlad.

9. Sa mga unang yugto ng kanyang Komunistang transpormasyon, ang bawat partido ng mga manggagawa ay nasa panganib na maging kontento na lamang sa pagtanggap sa isang Komunistang programa, sa pagpalit ng lumang doktrina sa “kanyang propaganda ng Komunistang pagtuturo, at sa pagpalit ng opisyal na nagmula sa kampo ng kaaway, ng mga Komunistang opisyales. Ang pagtanggap sa Komunistang programa ay pagpapahayag lamang ng kapasyahan na maging isang Komunista. Kung nagkukulang ang mga Komunistang aktibidad, at nananatili ang pagiging pasibo ng masang kasapian, sa gayon, hindi naipapatupad ng Partido kahit ang pinakaminimal na bahagi ng panata niyang inako sa pagtanggap ng Komunistang programa. Dahil ang unang kondisyon para sa isang maalab na pagpapatupad ng programa ay ang paglahok ng lahat ng kasapian sa walang-tigil na pang-araw-araw na gawain ng Partido.

Nakasalalay ang sining ng organisasyong Komunista sa kakayahan na gamitin ang bawat isa para sa maka-uring pakikibaka ng proletaryado; sa pamamahagi ng gawain ng Partido sa hanay ng lahat ng kasapi ng Partido at ang tuloy-tuloy na maakit ang papalawak na masa ng proletaryado, sa pamamagitan ng kanyang kasapian, sa rebolusyonaryong kilusan. Dagdag pa dito, dapat nitong mapanghawakan ang direksyon ng buong kilusan sa kanyang mga kamay, hindi dahil sa kanyang kapangyarihan, kundi dahil sa kanyang awtoridad, enerhiya, mas malawak na karanasan, mas masaklaw na kaalaman at mga kakayahan.

10. Ang isang Partido Komunista ay dapat magpursige na magkaroon lamang ng totoong mga aktibong kasapi at igiit sa bawat manggagawa ng Partido, na ilagay niya ang kanyang kabuuang lakas at oras, sa abot ng kanyang makakaya sa ilalim ng umiiral na mga kalagayan, sa pangangailangan ng kanyang Partido at ipagkaloob ang kanyang pinakamahusay na mga pwersa para sa mga serbisyong ito.

Ang pagiging kasapi ng Partido Komunista ay natural na nangangailangan, bukod sa mga paninindigang Komunista, pormal na pagrehistro, una bilang isang kandidato, pagkatapos bilang isang kasapi, katulad din ng regular na pagbayad ng mga napagkaisahang butaw, ang pagtangkilik sa pahayagan ng Partido, atbp. Ngunit ang pinakamahalaga ay ang paglahok ng bawat kasapi sa pang-araw-araw na gawain ng Partido.

11. Para sa layuning ipatupad ang gawain ng Partido, ang bawat kasapi, bilang batas, ay dapat maging kasapi din ng isang mas maliit na grupo, isang komite, isang komisyon, isang masaklaw na grupo, praksyon o selula. Sa ganitong paraan ay makakayang maayos na maipapamahagi, mabigyan ng direksyon at maitaguyod ang gawain ng Partido.

Ang pagdalo sa pangkalahatang pulong ng mga kasapi ng lokal na organisasyon, syempre, kahit hindi na kailangang sabihin, na hindi tama na subukan, sa ilalim ng mga kundisyon ng ligal na pag-iral, na ipalit ang mga madalas na pulong na ito, sa ilalim ng ligal na mga kundisyon, ng mga pulong ng mga lokal na mga kinatawan. Dapat obligadong regular na dadalo ang mga kasapi sa mga pulong na ito. Ngunit hindi ito sapat. Ang mismong paghahanda sa mga pulong na ito ay nagpapalagay ng gawain sa mga mas maliliit na grupo o sa mga kasamang naka-atas para sa ganoong layunin, na epektibong nagagamit pati sa mga paghahanda sa mga pangkalahatang pulong ng mga manggagawa, mga demonstrasyon at sama-samang pagkilos ng uring manggagawa. Ang napakaraming tungkulin na nakaugnay sa mga aktibidad na ito ay maingat lamang na mapag-aaralan sa mga maliliit na mga grupo at masikhay na maipapatupad. Kung walang ganitong tuloy-tuloy na pang-araw-araw na gawain ng kabuuang kasapian, na pinaghahatian sa hanay ng malawak na bilang ng mga mas maliit na mga grupo ng mga manggagawa, kahit ang mga masikhay na pasisikap na gumampan ng papel sa maka-uring pakikibaka ng proletaryado ay mapupunta lamang sa mahina at bigong pagtatangka na impluwensyahan ang mga pakikibakang ito, at hindi nagsisilbi sa kinakailangang konsolidasyon ng lahat ng mahalagang rebolusyonaryong pwersa ng proletaryado tungo sa iisang nagkakaisa at mahusay na Partido Komunista.

12. Dapat itinatayo ang mga Komunistang selula para sa pang-araw-araw na gawain sa iba’t-ibang sangay ng mga aktibidad ng Partido; para sa napapanahong ahitasyon, para sa Pampartidong pag-aaral, para sa gawain sa pahayagan, para sa pamamahagi ng mga sulatin, para sa serbisyong impormasyon, para sa tuloy-tuloy na serbisyo, atbp.

Ang mga Komunistang selula ay ang mga pinakaubod na mga grupo para sa pang-araw-araw na Komunistang gawain sa mga pabrika at pagawaan, sa mga unyon, sa mga asosasyon ng proletaryado, sa mga yunit militar, atbp.; kahit saan merong kahit ilang kasapi o kandidato para maging kasapi ng Partido Komunista. Kung merong mas malaking bilang ng mga kasapi ng Partido sa kaparehong pabrika o sa kaparehong unyon, atbp., sa gayon, papalakihin ang selula bilang isang mas malaking grupo at ang kanyang gawain ay nakadirekta sa pinakaubod na grupo.

Kung kinakailangang magtayo ng mas malawak na praksyon ng oposisiyon o gumampan ng papel sa nandyan na, sa gayon, dapat subukang kunin ng mga Komunista ang pamunuan sa pamamagitan ng kanyang espesyal na selula. Kung magiging hayag ang Komunistang selula, batay sa kanyang sariling mga kalagayan, o magiging hayag kahit sa harap ng publiko, magdedepende ito sa espesyal na mga kundisyon nito pagkatapos ng seryosong pag-aaral ng mga panganib at bentahe nito.

13. Ang pagsisimula ng pangkalahatang obligasyon na gawain sa Partido at ang pagoorganisa ng mga maliliit na mga grupo ay isang napakahirap na tungkulin para sa mga pang-masang partido Komunista. Hindi ito maipapatupad nang minsanan; humihingi ito ng walang kapagurang pagtiya-tiyaga, pinag-isipang pagsasaalang-alang at sapat na enerhiya.

Napakahalaga na ang bagong anyong organisasyon na ito ay dapat maipatupad mula sa simula na may pagpansin at pinag-isipang pagsasaalang-alang. Madaling hatiin ang lahat ng mga kasapi sa bawat organisasyon, alinsunod sa isang pormal na plano, tungo sa mga maliliit na selula at mga grupo at agad na ipanawagan sa mga ito ang pangkalahatang pang-araw-araw na gawain ng Partido. Mas masahol ang ganitong simula kaysa sa wala pang pinag-umpisahan; magdadala lamang ito ng ligalig at pagkamuhi sa hanay ng mga kasapi ng Partido sa mga mahahalagang pagbabagong ito.

Inirerekomenda na dapat sumangguni sa ilang mga maasahang mga organisador, na mga kubinsido at inspiradong mga komunista rin at lubos na nakakaalam sa kalagayan ng kilusan sa iba’t-ibang sentro ng bansa, at gumawa ng detalyadong pundasyon para sa pagsisimula ng mga pagbabagong ito. Pagkatapos nito, agad na dapat gawin ang trabaho ng mga sinanay na mga organisador o ng mga komiteng pang-organisa, ihalal ang mga unang lider ng mga grupo at pangasiwaan ang mga unang hakbang ng trabaho. Pagkatapos, dapat makatanggap ang lahat ng mga organisasyon, mga grupo, mga selula at mga indibidwal na kasapi, ng mga kongkreto at tumpak na mga depinidong mga tungkulin, na kapag ipinakita sa kanila, agad itong lilitaw na magagamit, kaaya-aya at kayang isakatuparan. Saanman kinakailangan, dapat ipakita sa kanila sa pamamagitan ng mga praktikal na pagsasagawa kung sa papaanong paraan maipapatupad ang mga tungkuling ito. Kaalinsabay, dapat silang bigyan ng babala sa mga maling hakbang na napakahalaga nilang dapat iwasan.

14. Ang gawain ng muling pag-oorganisa ay dapat ipatupad sa praktika sa hakbang-hakbang na paraan. Sa simula, hindi dapat buuin sa isang lokal na organisasyon ang napakadaming mga selula o mga grupo ng mga manggagawa. Kailangan munang patunayan sa mga malilit na kaso na ang selula, na itinayo sa mga hiwa-hiwalay na mga mahahalagang pabrika at unyon, ay wastong gumagampan ng mga tungkulin at nabuo na ang mga kinakailangang grupo ng mga manggagawa sa iba pang mga pangunahing sangay ng mga aktibidad ng Partido at, sa isang antas ay naging konsolidado (halimbawa, sa kagawaran ng impormasyon, komunikasyon, kilusang kababaihan, o kagawaran ng ahitasyon, gawain sa pahayagan, kilusan ng mga walang hanapbuhay, atbp.) Bago makatamo ang bagong organisasyon ng isang antas na praktika, hindi dapat bulagsak na durugin ang mga lumang balangkas ng organisasyon. Kasabay nito, ang mahalagang tungkuling ito ng gawain ng Komunistang organisasyon ay dapat ipatupad sa lahat ng lugar na may pinakamalakas na kasiglahan. Nagdadala ito ng mga malalaking kahingian hindi lamang sa isang ligal na Partido, kundi pati sa bawat iligal na Partido.

Kapag gumagana na ang malawak na kalipunan ng mga Komunistang selula, mga praksyon at mga grupo ng manggagawa sa mga sentro ng maka-uring pakikibaka ng proletaryado, kapag naibibigay na ng bawat kasapi ng Partido ang kanyang bahagi sa pang-araw-araw na rebolusyonaryong gawain at ito ay magiging natural at magiging kagawian na para sa mga kasapi, hindi pwedeng pahintulutan ng Partido ang anumang pahinga sa kanyang walang tigil na pagtatrabaho para maipatupad ang tungkuling ito.

15. Ang saligang pang-organisasyon na tungkuling ito ay pumapataw sa namumunong mga organo ng Partido, ng pananagutan na walang tigil na direksyunan at magpatupad ng isang sistematikong impluwesya sa gawain ng Partido. Nangangailangan ito ng sari-saring pagsisikap sa bahagi ng mga kasama, na aktibo sa pamumuno sa kanilang organisasyon ng Partido. Sa mga iyon na nangangasiwa ng Komunistang aktibidad, hindi lamang dapat nitong tiyakin na dapat abala ang mga kasama – lalaki at babae – sa gawain ng Partido sa pangkalahatan, kailangan nilang tumulong at sistematikong direksyunan ang ganitong gawain at sa pagkakaroon ng praktikal na kaalaman sa trabaho na merong tiyak na oryentasyon hinggil sa di-karaniwang mga kalagayan. Dapat nilang pagsikapan na malaman ang anumang pagkakamali na nakamit sa kanilang sariling mga aktibidad batay sa karanasan, walang patid na pinapaunlad ang mga paraan ng pagtatrabaho at hindi kinakalimutan kahit sa isang sandali ang layunin ng pakikibaka.

16. Ang ating buong gawain sa Partido ay naglalaman ng direktang pakikibaka sa tuntungang teoretikal o praktikal o ng paghahanda para sa pakikibaka. Ang ispesyalisasyon sa gawaing ito ay napaka-depektibo hanggang sa ngayon. Merong napakahalagang mga sangay na pana-panahon lamang ang aktibidad ng Partido. Halos walang nagawa ang mga ligal na partido sa usapin ng paglaban sa mga lihim na mga paniktik ng gobyerno. Itinaguyod ang pagbibigay ng instruksyon sa mga kasama bilang isang patakaran, ngunit nagkakataon lamang, bilang isang segundaryong usapin at napaka-pahapyaw, na ang malaking bahagi ng pinakamahalagang mga resolusyon ng Partido, at kahit ang programa ng Partido at ang mga resolusyon ng Communist International ay nanatiling di ito nalalaman ng malaking saray ng kasapian. Dapat itaguyod ang gawaing instruksyon sa isang sistematiko at walang tigil na paraan na tatagos sa buong sistema ng organisasyon ng Partido, sa lahat ng mga komite ng mga Partido upang makamit ang papataas na antas ng ispesyalisasyon.

17. Kasama din sa mga tungkulin ng Komunistang aktibidad ang pagsusumite ng mga ulat. Ito ay tungkulin ng lahat ng mga organisasyon at mga organo ng Partido at kahit ang bawat indibidwal na kasapi. Dapat merong mga isinasagawang pangkalahatang mga ulat na sumasaklaw sa maikling mga panahon. Dapat isinasagawa ang mga ispesyal na ulat hinggil sa trabaho ng mga ispesyal na komite ng partido. Napakahalagang isagawa ang gawain ng pag-uulat na ganito kasistematiko, na dapat itong maging nakatindig na kaparaanan, bilang pinakamahusay na tradisyon ng Komunistang kilusan.

18. Dapat iabot ng Partido ang kanyang kada-ikatlong buwan na ulat sa namumunong organo ng Communist International. Kailangan iabot ng bawat organisasyon ng Partido ang kanyang ulat sa kagyat na namumunong komite (halimbawa, buwanang ulat ng mga lokal na sangay sa kaukulang komite ng Partido).

Dapat isumite ng bawat selula, praksyon at grupo ng mga manggagawa ang kanilang ulat sa organo ng Partido na namumuno sa kanila. Dapat iabot ng mga indibidwal na kasapi ang kanilang mga ulat sa selula o grupo ng mga manggagawa, (partikular sa lider) na saan siya kasama, at ulat hinggil sa pagtupad ng anumang ispesyal na gawain, sa nag-atas na organo ng Partido.

Dapat laging isagawa ang ulat sa unang pagkakataon na pwede. Dapat isagawa ito sa pamamagitan ng pagsasalita, maliban kung humingi ang Partido o ang kasamang nagbigay ng atas ng nakasulat na ulat. Dapat maikli, malinaw at tuwiran ang mga ulat. Ang nakatanggap ng ulat ay ang may pananagutan sa pagkakaroon ng ganitong uri ng talastasan, na hindi dapat malathala kung makakapinsala, maingat na itatago at ang mga mahahalagang mga ulat ay dapat walang antala na ipadala sa kinauukulang organo ng Partido.

19. Dapat limitahan lamang ang mga ulat na ito sa pagsasalaysay kung ano ang nagawa mismo ng nag-uulat. Dapat rin itong naglalaman ng impormasyon sa mga sirkumstansyang nalaman habang ginagampanan ang gawain, na may tiyak na kahalagahan sa ating pakikibaka, sa partikular, ang mga konsiderasyon na maaring maghuhudyat sa pagbabago o pagpapaunlad sa ating gawain sa hinaharap; at pati rin ang mga mungkahi para sa kinakailangang pagpapaunlad, na nakita habang gumagampan ng trabaho ay dapat isama sa ulat.

Sa lahat ng mga Komunistang selula, mga praksyon at mga grupo ng mga manggagawa, ang lahat ng mga ulat, kapwa ang mga inabot sa kanila at mga iyon na kailangan nilang ihatid ay dapat puspusang talakayin. Ang mga ganitong talakayan ay dapat maging regular na kalakaran.

Dapat pag-ingatin ang mga selula at mga grupo ng mga manggagawa na karaniwang inaatasan ang mga indibidwal na kasapi ng Partido o mga grupo ng mga kasapi na manmanan at mag-ulat tungkol sa mga kaaway na mga organisasyon, lalo na hinggil sa mga peti-burges na organisasyon ng mga manggagawa at pangunahin ang organisasyon ng mga “sosyalistang” partido.

IV. HINGGIL SA PROPAGANDA AT AHITASYON

20. Ang ating pangunahing pangkalahatang tungkulin sa hayag na rebolusyonaryong pakikibaka ay itaguyod ang rebolusyonaryong propaganda at ahitasyon. Ang gawaing ito at ang kanyang pag-oorganisa ay nananatiling, sa pangunahin, itinataguyod sa lumang pormal na paraan, sa pamamagitan ng mga di-pirmihang mga talumpati sa mga pulong masa at walang ispesyal na pagbibigay ng importansya para sa kongkretong rebolusyonaryong diwa ng mga talumpati at sulatin.

Dapat isagawa ang Komunistang propaganda at ahitasyon upang magkaugat mismo sa hanay ng mga manggagawa, mula sa kanilang komon na interes at mga hangarin, at lalong lalo na, mula sa kanilang komon na pakikibaka.

Ang pinakamahalagang punto na dapat tandaan ay--na dapat rebolusyonaryo ang katangian ng Komunistang propaganda. Samakatuwid, ang mga Komunistang panawagan (islogan) at ang buong Komunistang pakikitungo sa mga kongkretong usapin ay dapat makatanggap ng ating ispesyal na pagpapahalaga at pagsasaalang-alang.

Upang makamit ang ganitong tamang pakikitungo, dapat masusing bigyan ng instruksyon hindi lang ang mga propesyunal na mga propagandista at ahitador, kundi pati rin ang lahat ng iba pang kasapi ng Partido.

21. Ang mga pangunahing anyo ng Komunistang propaganda ay:

(i) Indibidwal na propaganda sa salita (verbal)
(ii) Paglahok sa pang-industriya at pampulitikang kilusang paggawa
(iii) Propaganda sa pamamagitan ng Pahayagan ng Partido at pamamahagi ng babasahin.

Dapat lumahok ang bawat kasapi ng isang ligal at iligal na Partido sa isa o sa iba pang mga anyo ng propaganda.

Dapat mag-anyong sistematikong pagbabahay-bahay na pangangampanya ang indibidwal na propaganda na isasagawa ng mga ispesyal na mga grupo ng mga manggagawa. Dapat wala kahit isang bahay, na nasa loob ng purok na impluwensya ng Partido, ang lalaktawan mula sa kampanyang ito. Sa mga mas malalaking bayan, ang isang espesyal na organisadong kampanya na may mga poster at pamamahagi ng mga polyeto ay madalas na lumilikha ng kasiya-siyang mga resulta. Dagdag pa dito, ang praksyon ay dapat magtaguyod ng regular na personal na ahitasyon sa mga pagawaan na sinasamahan ng pamamahagi ng babasahin.

Sa mga bansa na may mga pambansang minorya sa kanilang populasyon, tungkulin ng Partido na ibuhos ang kinakailangang atensyon sa propaganda at ahitasyon sa hanay ng proletaryong saray ng mga minoryang ito. Syempre, ang propaganda at ahitasyon ay dapat isinasagawa sa mga wika ng pambansang minorya, na para sa layuning ito, dapat lumikha ang Partido ng mga kinakailangang mga espesyal na organo.

22. Sa mga kapitalistang bansa, na ang malaking mayorya ng proletaryado ay hindi pa naabot ang rebolusyonaryong kamulatan, walang-tigil dapat naghahanap ang Komunistang ahitasyon para sa mga bagong anyo ng propaganda upang salubungin sa gitna ang mga atrasadong manggagawa at sa gayon ay mapapabilis ang kanilang pagpasok sa loob ng rebolusyonaryong hanay. Dapat maialis ng Komunistang propaganda at ang kanyang mga panawagan (islogan) sa kaisipan ng mga manggagawa, ang umuusbong, di-mulat, di-ganap, nag-aatubili at mala-burges na rebolusyonaryong mga tunguhin na nakikipaglaban para makapanaig, kasama ang mga burges na mga tradisyon at mga pananaw.

Kaalinsabay, dapat hindi makuntento ang Komunistang propaganda sa limitado at naguguluhang mga kahilingan o mga adhikain ng masang proletaryado. Ang mga kahilingan at ang kanilang mga inaasahan ay naglalaman ng mga binhing rebolusyonaryo at mga paraan upang madala ang proletaryado sa ilalim ng impluwensya ng Komunistang propaganda.

23. Ang Komunistang ahitasyon sa hanay ng masang proletaryado ay dapat itaguyod sa paraan na lilitaw ang ating Komunistang organisasyon bilang ang matapang, matalino; masigla at matapat na lider ng kanilang sariling kilusang paggawa.

Upang makamit ito, dapat gumampan ng papel ang mga Komunista sa lahat ng batayang pakikibaka at sa mga pagkilos ng mga manggagawa, at dapat ipagtanggol ang layunin ng mga manggagawa sa lahat ng mga tunggalian sa pagitan nila at ng mga kapitalista hinggil sa oras at kalagayan sa paggawa, sa sahod, atbp. Dapat may mataas din na pagpapahalaga ang mga Komunista sa mga kongkretong usapin ng buhay manggagawa. Dapat nilang tulungan ang mga manggagawa na tumungo sa tamang paguunawa sa mga usaping ito. Dapat nilang ibaling ang kanilang pansin sa pinaka-garapal na mga pang-aabuso at dapat nilang tulungan ang mga manggagawa na magbalangkas ng kanilang mga kahilingan sa isang praktikal, maigsi subalit malaman na anyo. Sa ganitong paraan, mapupukaw nila sa mga manggagawa ang diwa ng pagkakaisa, ang kamulatan na komon ang interes sa hanay ng lahat ng mga manggagawa ng bansa, bilang isang nagkakaisang uring manggagawa, na kung saan ay isa itong seksyon ng pandaigdigang hukbo ng mga proletaryado.

Sa pamamagitan lamang ng pangaraw-araw na pagtupad ng ganitong mga tungkulin at paglahok sa lahat ng mga pakikibaka ng proletaryado ay pwedeng umunlad ang Partido Komunista tungo sa isang tunay na Partido Komunista. Sa pamamagitan lamang ng pagpapatupad ng ganitong mga paraan ay makikilala ang kaibhan nito mula sa propagandista ng napakapalasak, tinatawag na purong sosyalistang propaganda, na naglalaman ng pagrekluta ng mga bagong kasapi at pagsasalita hinggil sa mga reporma at ang paggamit ng mga parlyamentaryong posibilidad o mabuti pa, ng imposibilidad. Ang pagpapakasakit sa sarili at mulat na paglahok ng lahat ng mga kasapi ng Partido sa araw-araw na pakikibaka at sa mga tunggalian ng mga pinagsasamantalahan sa mga nagsasamantala ay kailangang-kailangan di lamang para sa pag-agaw, kundi lalo na sa mataas na antas, para sa pagpapatupad ng diktadurya ng proletaryado. Sa pamamagitan lamang ng pamumuno sa masang manggagawa sa mga maliitang mga digma laban sa mga mabangis na pagsalakay ng kapitalismo ay magkakaroon ng kakayahan ang Partido Komunista na maging taliba ng uring manggagawa, sa pagkakamit ng kakayahan para sa sistematikong pamumuno ng proletaryado sa kanyang pakikibaka para makapanaig sa burgesya.

24. Dapat buong pwersang mapakilos ang mga Komunista, lalo na sa mga panahon ng welga, sarahan, at iba pang maramihang tanggalan ng mga manggagawa, upang gumampan ng papel sa kilusang manggagawa.

Isang malaking pagkakamali para sa Komunista na laitin ang kasalukuyang pakikibaka ng mga manggagawa para sa bahagyang pagpapaunlad sa kanilang kalagayan sa pagtatrabaho, kahit ang pananatili ng pasibong pakikitungo sa mga ito, sa dahilan ng Komunistang programa, at ang pangangailangan para sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka para sa mga pinal na layunin. Kahit gaano pa kaliit at mababa ang mga kahilingan ng mga manggagawa, na para dito ay handa at kagustuhan nilang labanan ngayon ang kapitalista, kailanman ay hindi dapat gawing dahilan ng mga Komunista ang kaliitan ng mga kahilingan, at kaalinsabay, para sa di-paglahok sa pakikibaka. Ang ating mga aktibidad para sa ahitasyon ay di dapat ilantad ang sarili sa bintang ng panggugulo at inuudyok ang mga manggagawa sa mga walang kabuluhang mga welga at iba pang di pinagisipang mga pagkilos. Dapat subukang makamit ng mga Komunista ang reputasyon sa hanay ng mga nakikibakang masa sa pagiging matapang at epektibong tagapaglahok sa kanilang mga pakikibaka.

25. Ang mga Komunistang selula (o praksyon) sa loob ng kilusang unyon ay napatunayan sa sarili sa praktika na talagang mahina sa harap ng ilang mga pinaka-karaniwang mga usapin ng pang-araw-araw na buhay. Madali, subalit walang bunga ang parating pangangaral ng mga pangkalahatang mga prinsipyo ng Komunismo at pagkatapos ay mahulog sa negatibong aktitud ng napakapalasak na sindikalismo kapag humaharap sa mga kongkretong usapin. Ang mga ganitong mga praktika ay nagagamit lamang ng Yellow Amsterdam International.

Sa kabaligtaran, dapat gabayan ng mga Komunista ang kanilang mga pagkilos sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa bawat panig ng usapin.

Halimbawa, sa halip na magkasya sa pagtutol sa teoretikal at sa prinsipyo ng lahat ng kasunduan sa trabaho (hinggil sa sahod at kalagayan sa trabaho), dapat na lang nilang pamunuan ang pakikibaka hinggil sa partikular na uri ng mga taripa (mga kasunduan sa sahod) na inirekomenda ng mga lider ng Amsterdam. Syempre, kailangang kondenahin at tutulan ang anumang uri ng balakid sa rebolusyonaryong kahandaan ng proletaryado at isang kilalang katotohanan na layunin ng mga kapitalista at ang kanilang mga sunud-sunuran (myrmidon) sa Amsterdam, na itali ang mga kamay ng mga manggagawa sa lahat ng mga uri ng mga kasunduan. Samakatuwid, nararapat lamang na kailangang buksan ng Komunista ang mga mata ng mga manggagawa sa tunay na kalikasan ng mga layunin. Pinakamahusay na makakamit ito ng mga Komunista sa pamamagitan ng pagtaguyod ng mga kasunduan na hindi makakahadlang sa mga manggagawa.

Ganoon din ang dapat gawin kaugnay sa kawalan ng trabaho, sickness at iba pang benepisyo ng mga organisasyong pang-unyon. Ang paglikha ng mga pondo para sa mga labanan at ang pagkakaloob ng strike pay ay mga hakbangin na sa kanilang sarili ay dapat purihin.

Sa gayon, ang pagtutol sa prinsipyo laban sa ganitong mga aktibidad ay di makabubuti. Ngunit dapat ituro ng Komunista sa mga manggagawa na ang paraan ng koleksyon ng mga pondong ito at ang kanilang paggamit, na itinataguyod ng mga lider ng Amsterdam, ay labag sa lahat ng interes ng uring manggagawa. Dapat igiit ng mga Komunista ang pagbasura sa sistemang kontribusyon, at ng lahat ng mga umiiral na mga kundisyon kaugnay sa lahat ng mga boluntaryong mga pondo. Kung may ilan sa mga kasapi ng unyon ang sabik na makakuha ng sickness benefit sa pamamagitan ng pagbayad ng kontribusyon, hindi pwede sa atin na simpleng ipagbawal ang ganitong mga bayarin dahil sa takot na hindi nila tayo naiintindihan. Kailangang mahamig ang mga ganitong mga manggagawa mula sa kanilang maliit na burges na pananaw sa pamamagitan ng masikhay na personal na propaganda.

26. Sa pakikibaka laban sa Social-Democratic at peti-burges na mga lider-unyon, at laban din sa mga lider ng iba’t-ibang mga partidong paggawa, hindi maasahan na malaki ang makakamit sa pamamagitan ng panghihikayat. Dapat itaguyod ang pakikibaka laban sa kanila sa pinakamasiglang paraan, at ang pinakamahusay na paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng kanilang mga tagasunod, ipinapakita sa mga manggagawa ang tunay na katangian ng mga taksil na mga sosyalistang lider, na ginagamit lang ng kapitalismo. Dapat pagsikapan ng mga Komunista na ilantad ang mga tinatawag na mga lider na mga ito, at pagkatapos, atakehin sila sa pinakamasiglang paraan.

Hindi anuman sapat na tawagan ang mga lider ng Amsterdam (i.e. Mga lider ng mga repormistang unyon) na dilawan. Ang kanilang pagiging dilawan ay dapat patunayan sa pamamagitan ng tuloy-tuloy, at mga praktikal na mga pagsasalarawan. Ang kanilang mga aktibidad sa mga unyon, sa loob ng International Labor Bureau ng League of Nations, sa mga burges na ministeryo at administrasyon, ang kanilang mapanlinlang na talumpati sa mga komperensya at sa mga parlyamento, ang mga pangaral na laman ng marami sa kanilang mga nakasulat na mga mensahe at sa loob ng Pahayagan, at ang pinakamahalaga sa lahat, ang kanilang mga mapagatubili at urong-sulong na pakikitungo sa lahat ng mga pakikibaka kahit sa pinakamababang pagtaas ng sahod, ay naghahandog ng palagiang mga oportunidad para ilantad ang taksil na asal ng mga lider ng Amsterdam, sa mga simpleng pagkakasulat na mga talumpati at resolusyon.

Dapat itaguyod ng praksyon ang kanilang praktikal na talibang pagkilos sa isang sistematikong paraan. Dapat huwag pahintulutan ng mga Komunista ang mga dahilan ng mga maliliit na opisyal ng unyon na, sa kabila ng mga mabubuting hangarin, ay madalas nagkukubli, dahil sa ganap na kahinaan, sa likod ng mga batas, ng mga pasya ng unyon at mga tagubilin mula sa kanilang nakakataas, para hadlangan ang kanilang martsa pasulong. Sa kabaligtaran nito, dapat nilang igiit sa mga maliliit na opisyal na bigyang-kasiyahan ang usapin ng pag-alis ng lahat ng totoo o kathang-isip na mga hadlang, ngunit nakaharang sa mga manggagawa dahil sa burukratikong makinarya.

27. Dapat masusing paghandaan ng mga praksyon ang paglahok ng mga Komunista sa mga komperensya at mga pulong ng mga organisasyong pang-unyon. Halimbawa, dapat nilang linawin ang mga mungkahi, pumili ng mga tagapagbigay ng pag-aaral at mga tagapayo at maglagay ng mga kandidato para sa mga eleksyon, na mga maasahan, makaranasan at masiglang mga kasama. Dapat ring masusing paghandaan ng mga Komunistang organisasyon sa pamamagitan ng kanilang mga praksyon kaugnay sa lahat ng mga pulong ng mga manggagawa, mga pulong halalan, demonstrasyon, mga pampulitikang pagdiriwang, at mga katulad nito na inayos ng mga kalabang organisasyon. Saanman tinitipon ng mga Komunista ang kanilang sariling mga pulong ng mga manggagawa, dapat nilang ayusin na magkaroon ng malaking mga grupo ng mga Komunista na nakapamahagi sa hanay ng mga manonood at dapat gawin ang lahat ng paghahanda para sa kasiguruhan ng kasiya-siyang resulta sa propaganda.

28. Dapat ring matutunan ng mga Komunista kung paano mahamig ang mga di organisado at mga atrasadong manggagawa na permanenteng makapasok sa loob ng hanay ng Partido. Sa tulong ng ating mga praksyon, dapat hikayatin ang mga manggagawa na sumali sa mga unyon at basahin ang ating mga Pampartidong pahayagan. Ang iba pang mga organisasyon, halimbawa kagaya ng mga lupon sa edukasyon, mga sirkulo sa pagaaral, sporting clubs, dramatic societies, mga kooperatiba, mga consumer’s associations, mga organisasyon ng mga biktima ng digma, atbp. ay pwedeng gamitin bilang mga tulay sa pagitan natin at ng mga manggagawa. Sa mga lugar na iligal na umiiral ang Partido Komunista, ang mga ganitong mga samahan ng mga manggagawa ay maaring itayo sa labas ng Partido sa pamamagitan ng inisyatiba ng mga kasapi ng Partido na may pagpayag at nasa ilalim ng kontrol ng mga namumunong mga organo ng Partido (mga samahan ng mga simpatisador).

Mga Komunistang organisasyon ng kabataan at kababaihan ay maari ding makakatulong sa pagpukaw sa interes ng maraming mga manggagawa na walang pakialam sa pulitika, at sa kalaunan ay maakit sila sa loob ng Partido Komunista sa pamamagitan ng kanilang mga kurso sa edukasyon, sirkulo sa pagbabasa, mga iskursiyon, mga pagdiriwang, mga paggagala tuwing Linggo, atbp., sa pamamagitan ng pagmumudmod ng mga polyeto, pagpapalaki sa sirkulasyon ng pahayagan ng Partido, atbp. Sa pamamagitan ng paglahok sa pangkalahatang kilusan, mapapalaya ng mga manggagawa ang kanilang sarili mula sa kanilang maliit na burges na tendensya.

29. Upang makuha ang malaproletaryadong seksyon ng mga manggagawa bilang simpatisador ng rebolusyonaryong manggagawa, dapat gamitin ng mga Komunista ang kanilang espesyal na antagonismo sa mga may-ari ng lupa, sa mga kapitalista at sa kapitalistang estado, upang mahikayat ang mga panggitnang grupo mula sa kanilang kawalang-tiwala sa proletaryado. Maaring nangangailangan ito ng matagalang mga pakikipagusap sa kanila, o matalinong sympatiya sa kanilang pangangailangan, walang-bayad na tulong at payo sa anumang suliranin, at kasama rin ang mga oportunidad para mapaunlad ang kanilang edukasyon, atbp., ang lahat ng mga ito ay magbibigay ng tiwala sa Komunistang kilusan. Dapat ring magsikap ang mga Komunista na hadlangan ang mapaminsala na impluwensya ng mga kaaway na organisasyon na umookupa ng mga makapangyarihang pusisyon sa mga kani-kaniyang mga distrito, o may impluwensya sa mga peti-burges na nagtatrabahong magsasaka, sa mga iyon na nagtatrabaho sa mga bahay pagawaan at iba pang malaproletaryadong mga uri. Kilala ang mga ito ng mga pinagsasamantalahan, mula sa kanilang sariling mapait na karanasan, na sila ay mga kinatawan ng kabuuang kriminal na kapitalistang sistema, at dapat ilantad. Ang lahat ng mga pangyayari sa araw-araw, na nagdadala sa burukrasya ng estado sa tunggalian sa mga mithiin ng peti-burges na demokrasya at awtoridad, ay dapat gamitin sa isang matalino at masiglang paraan sa landas ng Komunistang ahitasyon. Dapat masusing ipamahagi ng bawat lokal na pambansang organisasyon, sa hanay ng kanyang mga kasapi, ang mga tungkulin ng kampanyang pagba-bahay-bahay upang lumaganap ang Komunistang propaganda sa lahat ng mga baranggay, bukirin, at mga nakahiwalay na mga bahayan sa kanilang mga distrito.

30. Ang mga kaparaanan ng propaganda sa mga hukbo at sa mga hukbong-dagat ng mga kapitalistang bansa ay dapat umaangkop sa partikular na mga kundisyon ng bawat bansa. Ang anti-militar na ahitasyon na pasipista ang kalikasan ay lubos na makapipinsala at tutulungan lamang ang burgesya sa kanyang pagsisikap na disarmahan ang proletaryado. Tinutulan ng proletaryado sa prinsipyo at ubos-kayang nilalabanan ang bawat uri ng institisyong militar ng burges na estado, at ng uring burgesya sa pangkalahatan. Gayon pa man, ginagamit nito ang mga institusyong ito (hukbo, mga armadong samahan, mga organisasyon ng mga sibilyang tagapagbantay, atbp.) para sa layuning mabigyan ng pagsasanay militar ang mga manggagawa para sa mga darating na mga rebolusyonaryong labanan. Sa gayon, ang masikhay na ahitasyon ay dapat nakadirekta, hindi laban sa pagsasanay militar ng mga kabataan at manggagawa. Ang bawat posibilidad ng pagkakaroon ng sandata ng mga manggagawa ay dapat buong pananabik na samantalahin.

Lumalantad mismo ang mga labanan ng uri, tulad ng nangyayari sa paborableng materyal na mga pusisyon ng mga opisyales, laban sa masamang pagtrato at kawalan ng panlipunang kasiguruhan sa buhay ng mga karaniwang mga sundalo, dapat magawang mabuting mailinaw sa mga sundalo. Bukod doon, dapat maipasapol ng ahitasyon ang katotohanan sa mga karaniwang mga sundalo, na ang kanilang kinabukasan ay di malulusutang nakatali sa kapalaran ng mga pinagsasamantalahang uri. Sa isang mas abanteng yugto ng nagsisimula pa lamang na rebolusyonaryong pag-aalsa, ang ahitasyon para sa demokratikong halalan ng lahat ng mga kumander ng mga kawal at marino at para sa pagtatayo ng mga kunseho ng mga sundalo ay maaring mapatunayang makabubuti sa pagpapahina sa mga pundasyon ng kapitalistang paghahari.

Ang pinakamalaking pagbibigay pansin at ng pagkakaroon ng pinakamahusay na kaingatan ay laging kailangan kapag nagaahita sa mga piling tropa na ginagamit ng burgesya sa digmang maka-uri, at lalo na laban sa kanyang mga boluntaryong pangkat.

Higit pa dito, ang panlipunang nilalaman at bulok na asal ng mga tropa at pangkat na mga ito ay nagagawa itong posible; dapat gamitin ang bawat paborableng sandali para sa ahitasyon para lumikha ng paglalansag. Saanman meron itong maliwanag na burges na maka-uring katangian, halimbawa sa mga grupo ng mga opisyales, dapat itong ilantad sa harap ng buong populasyon at magawang kasuklam-suklam at karimarimarim, na malalansag sila mula sa loob sa pamamagitan ng kanilang mismong pagkakahiwalay.

V. ANG PAG-OORGANISA NG PAMPULITIKANG PAKIKIBAKA

31. Para sa Partido Komunista, hindi magkakaroon ng panahon na hindi makakapaglunsad ang organisasyon ng Partido ng pampulitikang aktibidad. Para sa layuning gamitin ang bawat pampulitika at pang-ekonomyang sitwasyon, pati na rin ang mga pagbabago sa mga sitwasyong ito, dapat paunlarin ang pang-organisasyong estratehiya at mga taktika. Gaanoman kahina ang Partido, gayonman, dapat nitong samantalahin ang nakapupukaw na mga pampulitikang pangyayari o malaganap na mga welga na umaapekto sa buong pang-ekonomyang sistema, sa pamamagitan ng radikal na propaganda, na sistematiko at mahusay na inorganisa. Kapag nagdesisyon na ang Partido na gamitin ang partikular na sitwasyon, dapat nitong ikonsentra ang lakas ng lahat ng kanyang mga kasapi at ng Partido sa kampanyang ito.

Dagdag pa dito, ang lahat ng mga koneksyon na hawak ng Partido na mula sa trabaho ng kanyang selula at ng kanyang mga grupo ng mga manggagawa ay dapat gamitin para sa pagoorganisa ng mga pulong masa sa mga sentro na may pampulitikang importansya at sa pagpapatuloy ng isang welga. Dapat ubos-kayang kumbinsihin ng mga tagapagsalita para sa Partido ang manonood, na ang Komunismo lamang ang makakapagdala sa pakikibaka sa isang matagumpay na pagtatapos. Dapat lubos na paghandaan ng mga ispesyal na mga kumisyon ang mga pulong na ito. Kapag hindi pwedeng ilunsad ng Partido, sa ilang mga dahilan, ang sarili nitong mga pulong, dapat magbigay ng mga talumpati ang mga angkop na mga kasama sa mga pangkalahatang mga pulong ng mga nakawelga na inorganisa ng mga welgista o anumang mga grupo ng nakikibakang proletaryado.

Saanman may posibilidad na mahikayat ang mayorya, o ang malaking bahagi ng anumang pulong, para suportahan ang ating ipinaglalaban, dapat mahusay itong naibalangkas at maayos na ipinaliwanag sa mga panukala at sa mga resolusyon na ipinagtitibay, dapat may mga tangka na isinasagawa upang magkaroon na katulad na resolusyon o mga panukala na ipinagtibay sa papalaking bilang, sa ano’t anuman, suportado ito ng malakas na mga minorya sa lahat ng mga pulong na idinaos sa katulad na usapin sa parehong lugar o sa ibang lokalidad. Sa ganitong paraan, kaya nating makonsolida ang masang manggagawa sa kilusan, ilagay sila sa ilalim ng ating moral na impluwensya at kikilalanin nila ang ating pamumuno.

Pagkatapos ng ganitong mga pulong, ang mga komite, na lumahok sa pang-organisasyon na mga paghahanda at ginamit ang kanyang mga pagkakataon, ay dapat magdaos ng komperensya upang magsagawa ng ulat na isusumite sa mga namumunong komite ng Partido at halawin ng tamang kongklusyon mula sa karanasan o mga posibleng magagawang kamalian sa hinaharap. Alinsunod sa bawat partikular na sitwasyon, ang mga praktikal na mga kahilingan ng mga kalahok na manggagawa ay dapat isapubliko sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga poster at kartel o mga polyeto sa hanay ng mga manggagawa, na pinapatunayan sa kanila, na sa pamamagitan ng kanilang mga sariling mga kahilingan, kung paano umaayon dito at aplikable ang mga patakarang Komunista sa sitwasyon. Ang mga ispesyal na organisadong mga grupo ay kailangan para sa maayos na pamamahagi ng mga poster, ang pagpili ng angkop na mga pwesto, kasama rin ang tamang oras ng pagdikit. Ang pamamahagi ng mga kartel ay dapat ipatupad sa loob at labas ng pabrika at sa mga pasilyo na kung saan ang mga kinauukulang mga manggagawa ay gustong magtipon, at pati ang mga mahalagang mga lugar sa bayan, mga opisina para sa employment at mga istasyon. Ang mga ganitong pamamahagi ng mga polyeto ay dapat samahan ng nakaka-akit na mga talakayan at mga islogan, na madaling lumaganap sa lahat ng hanay ng masang manggagawa. Kung pwede, dapat ipamahagi lamang ang mga detalyadong mga polyeto sa mga pasilyo, mga pabrika, mga tirahan o sa ibang mga lugar na pwedeng asahan ang tamang pagbibigay ng pansin sa mga sulatin.

Ang mga ganitong propaganda ay dapat suportado ng magkatulad na aktibidad sa lahat ng mga pulong ng unyon at pabrika na idinaos sa mismong mga labanan, at sa mga ganitong mga pulong, na maaring inorganisa ng ating mga kasama o tinangkilik lamang natin, dapat samantalahin ng mga angkop na mga tagapagsalita at mga taga-debate ang pagkakataon na kumbinsihin ang masa sa ating pananaw. Dapat maglagay ang ating mga pahayagan ng Partido, para sa kagamitan ng ganitong ispesyal na pagkilos, ng malaking bahagi ng kanilang espasyo, pati na rin ang kanilang mga pinakamahuhusay na mga argumento. Sa katunayan, dapat pansamantalang nakalaan ang mga aktibong mga organisasyon ng Partido, para sa pangkalahatang layunin ng ganitong pagkilos, na kung saan ang ating mga kasama ay walang hupa na gumagampan ng trabaho.

32. Nangangailangan ang mga demonstrasyon ng napaka-makilos at mapagmalasakit na pamumuno na walang puknat na hinahangad ang layunin ng partikular na pagkilos, at kayang mabatid, sa anumang darating na sitwasyon, kung narating na ng demonstrasyon ang kanyang pinakamataas na posibleng bisa, o kung sa mismong partikular na sitwasyon ay pwede pa ang lalong pagpapatindi sa pamamagitan ng pagudyok sa pagpapahaba ng pagkilos sa aksyong masa sa pamamagitan ng demonstrasyon, mga welga, at sa kalaunan ng mga pangkalahatang mga welga. Tinuro sa atin ng mga demonstrasyong pabor sa kapayapaan sa panahon ng digma, na kahit pagkatapos ng paghupa ng ganitong mga demonstrasyon, ang isang tunay na proletaryong partidong palaban ay hindi dapat lumihis, o di kaya’y huminto, kahit gaano pa ito kaliit o kung gaano pa ito ka-iligal, kung ang nakaharap na usapin ay tunay na may kahalagahan, at magiging papalaki ang interes dito ng malaking bahagi ng masa. Ang mga demonstrasyon sa kalsada ay nakakakamit ang pinakamahusay na bisa, kapag ang kanilang organisasyon ay nakabatay sa mga malalaking pabrika. Kapag ang mahusay na mga paghahanda ng ating selula at mga grupo, sa pamamagitan ng propagandang pagsasalita at nakasulat, ay nagtagumpay sa pagsasagawa ng isang tiyak na pagkakaisa sa pananaw at pagkilos sa isang partikular na sitwasyon, ang komiteng tagapamahala ay dapat magtawag ng isang komperensya sa mga lihim na kasapi ng Partido sa mga pabrika at ng mga lider ng selula at mga grupo, upang italakay at ipirmi ang oras at mga usapin ng pulong sa araw na pinlano, pati rin ang pagpapasya sa mga islogan, ang mga pagtanaw ng pagtindi at ang panahon ng pagtigil at paghupa ng demonstrasyon. Ang gulugod ng demonstrasyon ay dapat binubuo ng mahusay na nakapag-aral at makaranasang grupo ng mga masigasig na mga opisyales, nakikihulubilo sa hanay ng masa mula sa panahon ng paglisan mula sa mga pabrika, hanggang sa panahon ng paghinto ng demonstrasyon. Dapat sistematikong ipinapamahagi ang mga responsableng mga Partidistang manggagawa sa hanay ng masa, para sa layuning namamantina ng mga opisyales ang aktibong ugnay sa isa’t-isa at napapanatiling nabibigyan sila ng mga kinakailangang pampulitikang mga instruksyon. Ang ganitong makilos, pulitikal na organisadong pamunuan ng isang demonstrasyon ay pinaka-epektibong nagpapahintulot ng walang-patid na pagbabago at sa kalaunan ng pagpapatindi tungo sa mga mas malalaking aksyong masa.

33. Ang mga Partido Komunista na nagtataglay na ng panloob na katatagan, mga subok na grupo ng mga opisyales at malaking bilang ng mga tagasunod sa hanay ng masa, ay dapat gamitin ang bawat pagsisikap, na ganap na pangibabawan ang impluwensya ng mga taksil na mga sosyalistang lider ng uring manggagawa, sa pamamagitan ng malaganap na kampanya, at pagsama-samahin ang mayorya ng masang manggagawa sa bandilang Komunista. Dapat organisahin ang mga kampanya sa iba’t-ibang paraan, depende kung ang sitwasyon ay pabor para sa aktwal na pakikipaglaban, na sa kasong ito ay dapat silang naging aktibo at inilagay ang sarili bilang pinuno ng proletaryong kilusan, o kung ito ay panahon ng pansamantalang pagkakatigil.

Ang pagkakabuo ng Partido ay isa rin sa mga mapagpasyang bagay para sa pagpili ng pang-organisasyon na mga paraan para sa ganitong mga pagkilos.

Halimbawa, ang mga paraan ng paglalathala ng tinatawag na “bukas na liham” ay ginamit upang mahimok ang mapagpasyang mga seksyon ng proletaryado sa Germany na hanggang sa isang antas noon ay naging posible sa ibang mga bansa. Upang malantad ang mga taksil na mga sosyalistang lider, itinalaga ng Communist Party of Germany ang kanyang sarili sa iba pang organisasyong masa ng proletaryado, sa panahon ng papalawak na kahirapan at pagtindi ng labanan ng mga uri, para sa layuning igiit mula sa kanila, sa harap ng proletaryado, kung sila, kasama ang kanilang sinasabing makapangyarihan na mga organisasyon, ay handang yakapin ang pakikibaka sa pakikipagtulungan sa Partido Komunista, laban sa maliwanag na kahirapan ng proletaryado at para sa pinakabahagya na mga kahilingan, kahit para sa isang kaawa-awang piraso ng tinapay.

Saanman nagpapasimula ang Partido Komunista ng isang katulad na kampanya, dapat itong magsagawa ng buong-buong pang-organisasyon na mga paghahanda para sa layuning maabot ng pagkilos na ito ang hanay ng malawak na masa ng uring manggagawa.

Ang lahat ng mga grupo sa pabrika at mga opisyales ng unyon ng Partido ay dapat dalhin ang panawagang isinagawa ng Partido, na kumakatawan sa pagsama-sama sa pinakamahalagang mga kahilingan ng proletaryado, tungo sa isang talakayan sa kanilang susunod na mga pulong sa pabrika at unyon, pati rin sa lahat ng mga pampublikong mga pulong, pagkatapos ng mabuting paghahanda para sa mga ganitong mga pulong. Para sa layuning samantalahin ang init ng masa, dapat ipamahagi ang mga polyeto, kartel, at mga poster sa lahat ng lugar at mabisang ipamahagi sa lahat ng lugar na kung saan nagbabalak ang ating mga selula o mga grupo na impluwensyahan ang masa para suportahan ang ating mga mga panawagan. Dapat gampanin ng ating Pampartidong Pamamahayag ang tuloy-tuloy na pagpapaliwanag ng mga problema ng kilusan sa buong panahon ng ganitong kampanya, sa pamamagitan ng mga maiigsi, o detalyadong mga artikulo araw-araw at tinatrato ang samu’t-saring mga anyo ng usapin, mula sa bawat posibleng pananaw. Ang organisasyon ay dapat walang patid na tustusan ang Pahayagan ng materyal para sa ganitong mga artikulo at bigyang masusing pansin para hindi tumigil ang pagsisikap ng mga editor sa kanilang pagsisikap para sa pagsusulong ng Kampanya ng Partido. Ang mga grupo sa parlyamento at mga munisipal na mga kinatawan ng Partido ay dapat sistematiko ring magtrabaho para sa pagtataguyod ng ganitong mga pakikibaka. Dapat nilang dalhin ang pagkilos sa usapan, alinsunod sa direksyon ng pamunuan ng Partido, sa pamamagitan ng mga resolusyon o mga panukala. Dapat tingnan ng mga kinatawan ang kanilang mga sarili bilang mga mulat na kasapi ng nakikibakang masa, ang kanilang mga kinatawan sa kampo ng kaaway na uri, at bilang mga responsableng mga opisyales at Partidistang manggagawa.

Kapag ang nagkakaisang, konsolidadong pang-organisasyon na mga aktibidad ng lahat ng mga pwersa ng Partido ay nagtagumpay, sa loob ng ilang linggo, kasama na dito ang pagtitibay ng malawak at papalaking bilang na mga resolusyon na sumusoporta sa ating mga kahilingan, magiging seryosong pang-organisasyon na tungkulin ng ating Partido na ikonsolida ang masa na nakitang pabor sa ating mga kahilingan. Sa pangyayaring nagkaroon ng partikular na katangiang pang-unyon ang pagkilos, una sa lahat, dapat subukang palakihin ang ating impluwesyang pang-organisasyon sa mga unyon.

Sa ganitong layunin, dapat tumuloy ang ating mga grupo sa loob ng mga unyon, sa isang mahusay na pinaghandaang direktang aksyon laban sa mga lokal na mga lider ng unyon upang mapangibabawan ang kanilang impluwensya, o kaya ay mapilitan sila na ilunsad ang isang organisadong pakikibaka batay sa panawagan ng ating Partido. Saanmang merong mga pampabrikang konseho, mga komite sa industriya o mga katulad na institusyon, dapat magsikap na makapag-impluwensya ang ating mga grupo sa pamamagitan ng mga pangkalahatang pulong ng mga komite sa industriya o sa mga konseho sa pabrika para din magdesisyon na suportahan ang pakikibaka. Kung may mga lokal na organisasyon ang naimpluwensyahan para suportahan ang pagkilos para sa sapat lamang na pamumuhay na mga interes ng proletaryado, na nasa ilalim ng Komunistang pamumuno, dapat sama-sama silang patawagin sa mga pangkalahatang komperensya, na dapat ring daluhan ng mga ispesyal na mga delegado na mula sa mga pampabrikang pulong, na kung saan ipinagtibay ang mga paborableng mga resolusyon.

VI. ANG BAGONG PAMUNUAN

Ang bagong pamunuan na nakonsolida sa ilalim ng Komunistang impluwensya sa ganitong paraan ay nakakamit ng bagong kapangyarihan sa pamamagitan ng ganitong konsentrasyon ng mga aktibong grupo ng mga organisadong mga manggagawa, at dapat gamitin ang kapangyarihang ito para bigyang sigla ang pamunuan ng mga sosyalistang partido at ng mga unyon o kung hindi ay ganap itong ilantad.

Sa mga rehiyong industriyal na nakamit ng ating Partido ang mga pinakamahusay na mga organisasyon at nakuha ang pinakamalaking suporta para sa kanyang mga kahilingan, dapat silang magtagumpay sa paraan ng organisadong paggigiit sa mga lokal na mga unyon at mga konsehong pang-industriyal, na mapagkaisa ang lahat ng nakahiwalay ngunit kapansin-pansin na pang-ekonomyang pakikibaka sa mga rehiyong ito at pati na rin ang umuunlad na pagkilos sa iba pang mga grupo, sa iisang koordinadong pakikibaka.

Pagkatapos, kailangang magbalangkas ang pagkilos na ito ng mga batayang mga kahilingan na ganap na hiwalay mula sa partikular na interes ng isang industriya lamang, at pagkatapos ay subukang makuha na makamit ang mga kahilingang ito sa pamamagitan ng paggamit ng nagkakaisang pwersa ng lahat ng mga organisasyon sa distrito. Sa ganitong pagkilos, mapapatunayan ngayon ng Komunista ang pagiging pinuno ng mga proletaryado na nakahanda sa pakikibaka, samantalang ang burukrasyang unyon at ang sosyalistang partido na tumututol sa ganitong nagkakaisa, organisadong pakikibaka, ay malalantad na ngayon ang kanilang tunay na mga kulay, hindi lamang sa pampulitika, kundi pati mula sa isang praktikal na pang-organisasyon na pananaw.

34. Sa panahon ng malubhang pampulitika at pang-ekonomyang krisis na talaga namang nagdudulot ng mga bagong kilusan, dapat tangkaing mapanghawakan ng Partido Komunista ang masa. Maaring mas mabuti pang bitawan ang anumang partikular na panawagan at mas maganda pang direktang mag-apela sa mga kasapi ng mga sosyalistang partido at ng mga unyon, sa pagpapakita kung paano ang kagipitan at pang-aapi ang nagtulak sa kanila sa di-maiiwasang mga labanan sa kanilang mga kapitalista, sa kabila ng mga tangka ng kanilang mga burukratikong mga lider na iwasan ang isang mapagpasyang pakikibaka. Ang mga pahayagan ng Partido, lalo na ang mga pang-araw-araw na mga dyaryo, ay dapat bigyang diin sa araw-araw, na handa ang mga Komunista na pamunuan ang namiminto at aktwal na pakikibaka ng mga nababahalang mga manggagawa, na handang magbigay ng tulong ang kanilang palabang organisasyon, saanman pwede, sa lahat ng inaapi sa ganitong malubhang kalagayan. Dapat araw-araw na ipinapakita, na kung wala ang mga pakikibakang ito, di magkakaroon ng posibilidad ng mapadami ang mga kundisyon para magkaroon ng mainam na pamumuhay para sa mga manggagawa, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga mas matatandang mga organisasyon na iwasan at hadlangan ang mga pakikibakang ito. Dapat bigyang diin ng mga Komunistang praksyon sa loob ng unyon at sa mga industriyal na organisasyon ang mapagmalasakit na kahandaan ng Komunista at ilinaw sa kanilang kapwa manggagawa na hindi dapat iwasan ang laban. Subalit, ang pangunahing tungkulin ay pagkaisahin at patatagin ang lahat ng mga pakikibaka at mga pagkilos na lumitaw sa sitwasyon. Ang iba’t-ibang selula at mga praksyon ng mga industriya at uri ng trabaho ay hindi lamang dapat panatilihin ang pinakamalapit na mga ugnayan sa kanilang mga sarili, kundi akuin ang pamumuno sa lahat ng pagkilos na maaring pumutok, sa pamamagitan ng mga komiteng pandistrito at pati na rin sa pamamagitan ng mga komite sentral, maagap na bigyan ang mga ganitong mga opisyales at mga responsableng mga manggagawa kung sino ang makakapamuno sa pagkilos, kasama ng mga kalahok sa pakikibaka, para palawakin at palalimin ang pakikibakang iyon at maipalaganap. Pangunahing tungkulin ng organisasyon kahit saan, na ituro at bigyang diin ang komon na katangian ng lahat ng samu’t-saring mga pakikibaka, upang mapaunlad ang ideya ng pangkalahatang solusyon ng usapin, sa pamamagitan ng pampulitikang paraan, kung kinakailangan. Sa pagtindi ng mga pakikibaka at lalong naging pangkalahatan ang katangian, nagiging pangangailangan ang paglikha ng mga magkakatulad na mga organo para sa pamumuno ng mga pakikibaka. Saanman nabigo ang mga burukratikong mga lider ng welga, dapat pumasok kaagad ang mga Komunista at tiyakin ang isang determinadong organisasyon para sa aksyon--ang komon na panimulang organisasyon--na pwedeng makamit sa ilalim ng mahusay na militanteng pamunuan, sa pamamagitan ng walang-puknat na pagtataguyod sa pulong ng mga praksyon at mga konseho sa industriya, pati na rin ang mga pulong masa ng mga kinauukulang mga industriya.

Kapag naging malaganap na ang pagkilos, at dahil na rin sa mabangis na pagsalakay ng mga organisasyon ng mga kapitalista at pakikialam ng gobyerno, nag-aanyo na ito na may katangiang pampulitika, ang panimulang propaganda at gawaing pang-organisasyon ay dapat simulan para sa mga halalan ng mga konseho ng mga manggagawa na maaring magiging posible at kinakailangan na.

Dito dapat bigyang diin ng lahat ng mga organo ng Partido ang ideya na sa pamamagitan lamang ng pagpanday ng kanilang mga sariling mga sandata sa pakikibaka ay magagawa ng uring manggagawa na makamit ang sariling pagpapalaya. Sa ganitong propaganda, walang ipapakita kahit anong konsiderasyon sa burukrasyang unyon o sa mga lumang sosyalistang partido.

35. Ang mga Partido Komunista na lumakas na at lalo na ang mga malalaking pang-masang partido, ay tiyak ng may kakayahan para sa aksyong masa. Ang lahat ng mga pampulitikang demonstrasyon at mga pang-ekonomyang kilusang masa, pati rin ang mga lokal na mga pagkilos ay dapat laging dumako na organisahin ang mga karanasan ng mga kilusang ito upang magkaroon ng malapit na kaisahan sa malawak na masa. Ang mga nakamit na karanasan ng lahat ng mga malalaking pagkilos ay dapat italakay sa mga masasaklaw na komperensya ng mga namumunong opisyales at responsableng Partidistang mga manggagawa, kasama ang mga mapagkakatiwalaang mga kinatawan ng unyon ng malalaki at katamtamang mga industriya, at sa ganitong paraan ang kalipunan ng komunikasyon ay magtutuloy-tuloy ang pagdami at mapapalakas, at lalong tatagos sa mga mapagkakatiwalaang mga kinatawan ng mga industriya ang palabang diwa. Ang bigkis ng tiwala sa isa’t-isa sa pagitan ng mga namumunong mga opisyales at mga responsableng Partidistang mga manggagawa, kasama ang mga delegado sa pagawaan, ay ang pinakamahusay na garantiya na hindi magkakaroon ng wala sa panahong pampulitikang aksyong masa, sa pamamagitan ng pag-ayon sa mga sirkumstansya at sa aktwal na lakas ng Partido.

Kapag hindi itinatayo ang pinakamalapit na mga ugnayan sa pagitan ng mga organisasyon ng Partido at ang masang proletaryado na nasa malalaking aksyong masa, hindi mapapaunlad ang tunay na rebolusyonaryong kilusan. Ang di-napapanahong pagbagsak ng walang duda na rebolusyonaryong kombulsyon sa Italy noong nakaraang taon, na malakas na naipahayag sa pamamagitan ng pag-agaw sa mga pabrika, tiyak at sa malaking bahagi, ay dahil sa kataksilan ng burukrasyang unyon, ang di maasahang mga pampulitikang lider ng mga partido, ngunit sa isang bahagi, dahil rin sa ganap na kakulangan ng mga mapagkasamang relasyon sa organisasyon, sa pagitan ng Partido at mga industriya, na sa pamamagitan ng mga mulat sa pulitikang mga delegado ng pagawaan, na interesado sa kapakanan ng Partido. Pati rin ang welga ng mga nagmimina ng karbon sa England ng kasalukuyang taon (1921) na walang dudang nakaranas ng kabiguan dahil sa ganitong kakulangan, sa isang pambihirang antas.

VII. HINGGIL SA PAMPARTIDONG PAMAMAHAYAG

36. Dapat paunlarin ng Partido ang Komunistang Pamamahayag ng walang kapagurang sigasig. Walang dyaryo ang pwedeng kilalanin bilang isang Komunistang pahayagan kung hindi ito umaalinsunod sa mga gabay ng Partido.

Dapat mas bigyang pansin ng Partido ang pagkakaroon ng mga mahuhusay na mga dyaryo kaysa sa magkaroon ng marami sa mga ito. Ang bawat Partido Komunista ay dapat magkaroon ng isang mahusay, at kung maari, ng isang pangaraw-araw na sentral na pahayagan.

37. Ang isang Komunistang dyaryo ay dapat di kailanman maging isang kapitalistang proyekto kagaya sa burges, na madalas ganun rin ang mga sosyalistang dyaryo. Dapat hindi ito umaasa sa lahat ng mga kapitalistang institusyong sa panguutang. Ang isang magaling na organisasyon ng pang-aanunsyo (advertisement), na magiging posible ang pagiral ng ating pahayagan para sa mga ligal mga pangmasang partido, ay hindi dapat kailanman tutungo sa kanyang pagiging pala-asa sa mga malalaking taga-anunsyo (advertisers). Sa kabaligtaran, ang kanyang pakikitungo sa lahat ng mga panlipunang usapin ng proletaryo ay lilikha ng mas mataas na respeto para dito, sa lahat ng ating pangmasang mga Partido.

Hindi dapat magsilbi ang ating mga pahayagan para bigyang kasiyahan ang kagustuhan para sa pinagkakaguluhan, o bilang isang libangan para sa pangkalahatang publiko. Hindi sila dapat sumuko sa kritisismo ng mga petiburges na mga manunulat o mga ekspertong peryodista sa pagpupunyagi na maging “kagalang-galang.”

38. Una sa lahat, ang Komunistang pahayagan ay dapat pinagsisilbihan ang interes ng mga inaapi at lumalabang manggagawa. Dapat ito ang ating pinakamahusay na ahitador at namumunong propagandista ng proletaryong rebolusyon.

Magiging layunin ng ating pahayagan na ipunin ang lahat ng mga mahahalagang karanasan mula sa aktibidad ng mga kasapi ng partido at patotohanan sa ating mga kasama bilang gabay para sa tuloy-tuloy na pagbabago at pagpapaunlad ng Komunistang paraan sa paggawa; sa ganitong paraan, ito ang magiging pinakamahusay na organisador ng ating rebolusyonaryong gawain.

Ang ganito lamang na panlahatang saklaw na gawain sa organisasyon, ng Komunistang pahayagang ito at sa partikular ang ating prinsipal na pahayagan, na tanaw ang ganitong layunin, maitatatag natin ang demokratikong sentralismo at tutungo sa mahusay na pamamahagi ng gawain sa loob ng Partido Komunista, sa gayon, magagawa nitong tuparin ang kanyang makasaysayang tungkulin.

39. Dapat magsikap ang Komunistang pahayagan na maging isang Komunistang proyekto, i.e., dapat itong maging isang proletaryong organisasyong panglaban, komon na gawain ng mga rebolusyonaryong manggagawa, ng lahat ng manunulat na regular na nagsusulat para sa pahayagan, mga editor, mga type-setters, mga taga-imprenta, at mga tagapamahagi, ang mga iyon na kumokolekta ng mga lokal na materyal at talakayin rin ito sa pahayagan, ang mga iyon na aktibong pinapalaganap ito sa araw-araw, atbp. May ilang mga praktikal na mga hakbang ang kailangan upang gawin ang isang pahayagan na isang tunay na organong panglaban at isang malakas na komon na gawain ng mga Komunista.

Dapat merong pinakamalapit na ugnayan ang isang Komunista sa kanyang pahayagan, na dapat siyang gumampan ng gawain para dito at magsakripisyo para dito. Ito ay ang kanyang pang-araw-araw na sandata, na dapat may panibagong tigas at talas araw-araw upang karapat-dapat gamitin. Mabigat na materyal at pinansyal na sakripisyo ang tuloy-tuloy na kailangan para sa pag-iral ng isang Komunisang pahayagan. Ang mga kaparaanan para sa kanyang pagunlad at panloob na pagpapahusay ay dapat walang patid na ipagkakaloob mula sa hanay ng mga kasapi ng Partido, hanggang sa maabot nito ang pusisyon ng isang matibay na organisasyon at may malawak na sirkulasyon sa hanay ng isang ligal na pangmasang Partido, na ito mismo ay magiging isang malakas na suporta sa kilusang Komunista.

Hindi sapat na maging isang aktibong taga-kampanya at tagapagpalaganap ng pahayagan, kailangan ring sumulat para dito.

Ang bawat pangyayari na may interes panlipunan o pangekonomya na naganap sa pagawaan--mula sa isang aksidente hanggang sa isang pangkalahatang pulong ng mga manggagawa, mula sa masamang pagtrato sa isang baguhang manggagawa hanggang sa ulat pampinansya ng kumpanya -- ay dapat kaagad na iulat sa pahayagan. Dapat ipagbigay-alam ng praksyon ng unyon ang lahat ng mga mahahalagang desisyon at mga resolusyon ng kanyang mga pulong at ng kalihiman, at kahit anumang naiibang aksyon ng ating kaaway. Ang pampublikong buhay sa lansangan, at sa mga pulong, ay madalas magbibigay ng oportunidad sa isang masigasig na kasapi ng Partido na makapagsagawa ng detalyadong panlipunang kritisismo, na kung ilalathala sa ating dyaryo ay mapapatotohanan, kahit sa mga hindi interesadong mambabasa, na kung paano na nating sinusubaybayan ang pangaraw-araw na pangangailangan ng buhay.

Ang ganitong mga talastasan mula sa buhay ng mga manggagawa at ng mga organisasyon ng mga manggagawa ay dapat pakitunguhan ng lupon ng mga patnugot (board of editors) na may pagaasikaso at pagmamahal; dapat gamitin ang mga ito bilang mga maiigsing mga pabatid na makakatulong na maihatid ang damdamin ng malapit na ugnayan, na umiiral sa pagitan ng ating pahayagan at buhay ng mga manggagawa, o maaring gamitin bilang mga praktikal na mga halimbawa mula sa pangaraw-araw na buhay ng mga manggagawa na makakatulong sa pagpapaliwanag sa doktina ng Komunismo. Saanmang pwede, dapat magkaroon ng nakatakdang mga oras ang lupon ng patnugot, sa maluwag na mga oras, na handa silang kausapin ang sinumang manggagawa na pupunta sa kanila at makinig sa kanyang mga karaingan, o magreklamo sa mga kahirapan ng buhay, na dapat nilang pagsikapang itala at gamitin para sa pagmumulat sa Partido.

Syempre, sa ilalim ng kapitalistang sistema, imposible na maging perpektong mga komunidad ng Komunistang mga manggagawa ang ating mga pahayagan. Subalit, kahit sa ilalim ng pinakamahirap na mga kalagayan, pwedeng makamit ang tiyak na tagumpay sa pagoorganisa ng ganitong rebolusyonaryong pahayagan. Napatunayan ito ng ‘Pravda’ ng ating mga kasamang Russian sa panahon ng mga taong 1912-1913. Sa katunayan, kumatawan ito ng isang permanente at aktibong organisasyon ng mga mulat ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa mga pinakamahahalagang mga sentro sa Russia. Ginamit ng mga kasama ang kanilang kolektibong pwersa para sa pag-eedit, paglalathala, pamamahagi ng pahayagan at marami sa kanila ay ginagawa iyon kaalinsabay ng kanilang trabaho at hindi ginagasta ang perang kailangan mula sa kanilang kita. Ipinagkaloob naman sa kanila ng dyaryo ang mga pinakamahuhusay na mga bagay na kanilang ninais, na kanilang kinailangan sa sandaling ito at ang pwede pa nilang magamit kahit ngayon sa kanilang gawain at pakikibaka. Ang ganitong dyaryo ay dapat tunay at totoong tawagan ng mga kasapi ng Partido at ng ibang mga rebolusyonaryong manggagawa na “pahayagan natin.”

40. Ang wastong saligan para sa militanteng Komunistang Pamamahayag ay ang direktang partisipasyon sa mga kampanya na pinamumunuan ng Partido. Kung ang aktibidad ng Partido sa isang takdang panahon ay nangyaring nakakonsentra sa isang tiyak na kampanya, tungkulin ng pahayagan na ilagay ang lahat ng kanyang mga departamento, hindi lamang ang mga pahina ng editoryal, para pagsilbihan ang partikular na kampanyang ito. Ang lupon ng patnugot ay dapat makalikom ng materyal at ng mga taong pwedeng pagkukunan ng impormasyon para palaganapin ang kampanyang ito, na dapat ilangkap sa buong pahayagan, kapwa sa diwa at sa anyo.

41. Ang usapin ng pag-aalok ng mga suskrisyon o pagtatangkilik (subscriptions) para sa “Dyaryo Natin” ay dapat isistematisa. Unang dapat gawin ay gamitin ang bawat okasyon na pumupukaw sa mga manggagawa at ang bawat sitwasyon na kung saan nagising ang pampulitika at panlipunang kamulatan ng manggagawa dahil sa isang espesyal na pangyayari. Samakatuwid, pagkatapos ng bawat malaking kilusang welga o sarahan, na kung saan hayag at masiglang ipinagtanggol ng pahayagan ang interes ng mga manggagawa, ang pag-aalok ng suskrisyon ay dapat iorganisa at itaguyod sa hanay ng mga lumahok. Dapat ipamahagi ang mga listahan para sa sukrisyon at mga order para sa suskrisyon para sa dyaryo, hindi lamang sa mga industriya na nakapaloob ang mga Komunista at sa hanay ng mga praksyon ng unyon sa mga industriyang iyon na lumahok sa mga welga, ngunit kailanman pwede, dapat ipamahagi ang mga order ng suskrisyon mula sa pagbabahay-bahay sa pamamagitan ng mga ispesyal na grupo mga manggagawang nagsasagawa ng propaganda para sa pahayagan.

Gayon din, pagkatapos ng bawat kampanyang eleksyon na pumukaw sa mga manggagawa, ang mga ispesyal na mga grupo, na itinalaga para sa ganitong layunin, ay dapat bisitahin ang mga bahay ng mga manggagawa sa pagtataguyod ng sistematikong propaganda para sa dyaryo ng manggagawa.

Sa mga panahon ng nakatagong krisis pampulitika at ekonomya, na ipinapakita ang kanilang mga sarili sa pagtaas ng mga presyo, kawalan ng trabaho at iba pang paghihirap na umaapekto sa malaking bilang ng mga manggagawa, ang lahat ng pwedeng pagsisikap ay dapat pagpunyagian upang himukin ang mga propesyunal na organisadong mga manggagawa ng iba’t-ibang mga industriya at iorganisa sila sa mga grupo para itaguyod ang sistematikong pabahay-bahay na propaganda para sa dyaryo. Ipinakita ng karanasan na ang pinaka-naangkop na panahon para sa gawaing kampanya sa pagaalok ng suskrisyon ay ang huling linggo ng bawat buwan. Anumang lokal na grupo, na lalaktawan kahit ang isa sa mga huling linggo ng mga buwan na lumipas, na hindi ginamit ito para sa gawaing propaganda para sa dyaryo, ay makakagawa ng malubhang kapabayaan sa usapin ng pagpapalaganap ng Komunistang kilusan. Ang grupo na nagtataguyod ng propaganda para sa dyaryo ay di dapat kaligtaan ang anumang pampublikong pulong o anumang demonstrasyon na wala sila doon sa pagbubukas, sa panahon ng mga patlang, at sa pagsasara, na meron dalang listahan ng suskrisyon para sa pahayagan. Ang mga katulad na mga tungkulin ay nakalapat sa bawat praksyon ng unyon sa bawat hiwalay na pulong ng unyon, pati na rin sa grupo at praksyon sa mga pulong ng shop.

42. Dapat walang puknat na ipagtanggol ng bawat kasapi ng Partido ang ating pahayagan laban sa lahat ng kanyang mga kalaban at isulong ang masiglang kampanya laban sa kapitalistang Pamamahayag. Dapat niyang ilantad, pangalanan at tatakan ang kabulukan, kasinungalingan, at ang pagpigil ng impormasyon at lahat ng panloloko ng Press.

Mapapangibabawan ang social-democratic at nagsasariling Pamamahayag sa pamamagitan ng walang-tigil at agresibong kritisismo, na hindi nahuhulog sa mga maliit na paksyunal na tunggalian, kundi sa masugid na paglalantad ng kanilang taksil na pakikitungo sa pagkubli ng pinakamalubhang labanan ng mga uri sa araw-araw. Dapat hangarin ng mga unyon at ibang mga praksyon sa pamamagitan ng organisadong paraan, na ilayo ang mga kasapi ng mga unyon at iba pang mga organisasyon ng mga manggagawa mula sa nakakalinlang at nakakapinsalang impluwensya ng mga sosyal-democratic na mga dyaryong ito. At pati rin ang pag-aalok ng suskrisyon sa pamamagitan ng kampanyang pagbabahay-bahay para sa ating Pahayagan, lalo na sa hanay ng mga manggagawa ng industriya, dapat matalinong direktahan laban sa sosyal-democratic na pamamahayag.

VIII. HINGGIL SA ISTRUKTURA NG ORGANISMO NG PARTIDO

43. Ang organisasyon ng Partido, na inilalatag at pinapalakas ang sarili, ay hindi dapat iorganisa sa isang iskema ng mistulang heograpikal na pagkakahati-hati, kundi alinsunod sa tunay na pang-ekonomya, pampulitika at pang-transportasyon na mga kundisyon ng isang distrito. Ang sentro ng grabidad ay dapat ilagay sa mga pangunahing mga lungsod, at sa mga sentro ng mga malalaking industriya.

Sa pagtatayo ng isang bagong Partido, madalas nakikita ang tendensya na ilatag kaagad ang organisasyon ng Partido sa buong bansa. Sa gayon, isinawalang-bahala ang katotohanan na limitado ang bilang ng mga manggagawa na nasa pasya ng Partido, at ang kakaunting mga manggagawang ito ay nakakalat sa lahat ng direksyon. Pinapahina nito ang kakayahang makapagrekluta at ang paglakas ng Partido. Sa ganitong mga kaso, nakita natin ang isang malawak na sistema ng mga opisina ng Partidong nagsusulputan, ngunit hindi nagtagumpay ang Partido mismo na makapagpundar ng base, kahit sa mga pinakamahahalagang mga industriyalisadong lungsod.

44. Upang maisentralisa ang aktibidad ng Partido sa pinakamataas na antas na kakayanin, hindi nararapat na magkaroon ng liderato ng Partido na nakahati sa isang herarkiya o pamunuan na may ilang bilang na mga grupo, na nakapailalim sa isa’t-isa. Ang bagay na dapat hangarin ay sa bawat malaking lungsod, na nagbubuo ng sentrong pang-ekonomya, pampulitika o transportasyon, ay dapat kumalat at magbuo ng kalipunan (network) ng mga organisasyon sa loob ng malawak na lugar ng mga komunidad ng isang lokalidad at ang pang-ekonomya’t pampulitikang mga distrito na kanugnog nito. Ang komite ng Partido ng malaking sentro ay dapat tumayo bilang pamunuan ng pangkalahatang organisasyon ng Partido sa distrito at pamunuan ang pang-organisasyon na aktibidad ng distrito, nagbibigay ng direksyonsa mga patakaran nito, na may malapit na ugnayan sa kasapian ng lokalidad.

Ang mga organisador ng ganitong distrito, na hinalal ng komperensya ng distrito at ipinagtibay ng Komite Sentral ng Partido, ay dapat gumampan ng aktibong papel sa buhay Pampartido ng lokal na organisasyon. Ang komite ng Partido sa distrito ay dapat walang-patid na pinapalakas ng mga kasapi mula sa hanay mga manggagawa ng Partido sa lugar, para magkaroon ng malapit na relasyon sa pagitan ng komite at ang malawak na masa ng distrito. Habang patuloy na umuunlad ang organisasyon, dapat isagawa ang pagsisikap na magreresulta na ang namumunong komite ng distrito ay dapat siya rin ang magiging namumunong pampulitikang organo ng lugar. Samakatuwid, ang komiteng distrito ng Partido, kasama ang Komite Sentral, ang dapat gumampan ng papel ng tunay na namumunong organo sa pangkalahatang organisasyon ng Partido.

Ang mga hangganan ng mga distrito ng Partido ay hindi natural na nalilimitahan ng saklaw ng lugar. Ang mapagpasyang bagay dapat ay kung nasa pusisyon ang komite ng distrito na direksyunan ang mga aktibidad ng lahat ng mga lokal na organisasyon, sa loob ng distrito, sa isang magkakatulad na paraan. Sa sandaling imposible na ito, dapat nang hatiin ang distrito at dapat nang itayo ang mga bagong distrito ng Partido.

Kailangan rin sa mga malalaking bansa na magkaroon ng mga intermedyang organisasyon na magsisilbi bilang naguugnay na mga kawing sa pagitan ng Komite Sentral at ng lokal. Sa ilalim ng ilang mga kundisyon, maaring magiging makabubuti na bigyan ng namumunong papel ang ilan sa mga intermedyang organisasyon na mga ito, halimbawa, ng isang organisasyon sa isang malaking lungsod na may malakas na kasapian, ngunit bilang pangkalahatang patakaran, dapat itong iwasan, dahil tumutungo ito sa desentralisasyon.

45. Ang mga malalaking intermedyang organisasyon ay naitatayo mula sa mga lokal na mga organisasyon ng Partido: mga grupong pambansa o ng mga maliliit na lungsod at ng mga distrito, o ng iba’t-ibang bahagi ng malaking lungsod.

Ang anumang lokal na organisasyon ng Partido na lumaki hanggang umiiral na ito bilang isang ligal na organisasyon, at hindi na nito nailulunsad ang mga pangkalahatang mga pulong ng lahat ng kanyang mga kasapian, dapat na itong hatiin.

Sa loob ng anumang organisasyon ng Partido, binubuo sa mga grupo ang mga kasapi para sa mga pangaraw-araw na mga aktibidad ng Partido. Sa mga malalaking organisasyon, maaring makabubuti na ipagsama-sama ang mga iba’t-ibang mga grupo tungo sa mga kolektibong organisasyon. Bilang patakaran, ang mga kasaping ito ay dapat isama sa isang grupo na nasa lugar ng kanilang trabaho o saanman at magkakaroon ng okasyon na makita ang isa’t-isa sa kanilang pangaraw-araw na aktibidad. Ang layunin ng ganitong kolektibong grupo ay para ipamahagi ang aktibidad ng Partido sa hanay ng iba’t-ibang maliliit na mga grupo, makatanggap ng mga ulat mula sa iba’t-ibang opisyales at isanay ang mga kandidato para sa pagsapi.

46. Ang Partido, sa kabuaan, ay nasa ilalim ng paggabay ng Communist International. Ang mga instruksyon at mga resolusyon ng Tagapagpaganap ng International, ang mga patakaran na apektado ang mga kasaping partido, ay unang ididiretso, maaring (1) sa kanilang Komite Sentral ng Partido, (2) sa Komiteng ito sa pamamagitan ng isang espesyal na komite o (3) sa mga kasapi ng Partido sa pangkalahatan.

Ang mga instruksyon at mga resolusyon ng International ay umiiral sa Partido, at natural, umiiral rin ito sa bawat kasapi ng Partido.

47. Ang Komite Sentral ng Partido ay inihahalal sa Kongreso ng Partido at responsable para dito. Pumipili ang Komite Sentral mula sa kanyang hanay ng mas maliit na organo na naglalaman ng dalawang mga sub-komite para sa pampulitikang aktibidad. Ang mga sub-komiteng ito ay kapwa responsable para sa pampulitika at kasalukuyang gawain ng Partido. Ang mga sub-komiteng ito o kawanihan ay ang nag-aayos para sa regular na mga kapulungan ng Komite Sentral ng Partido na kung saan ipinagtitibay ang mga desisyon na may kagyat na importansya. Upang mapagaralan ang pangkalahatan at pampulitikang sitwasyon at makamit ang isang malinaw na ideya ng kasalukuyang kalagayan sa loob ng Partido, kailangang magkaroon ng kinatawan ang iba’t-ibang lokalidad sa Komite Sentral, kailanman pagtitibayin ang mga kapasyahan na magkakaroon ng epekto sa buhay ng kabuaang Partido. Para sa katulad na dahilan, ang di-pagkakasundo ng mga opinyon hinggil sa mga taktika ay hindi dapat pigilin ng Komite Sentral kung seryoso ang katangian ng mga ito. Sa kabaligtaran, ang mga opinyong ito ay dapat makakuha ng pagkakatawan sa Komite Sentral. Ngunit ang mas maliit na kawanihan (ang Kawanihang Pampulitika) ay dapat pinamumunuan sa magkakatulad na mga linya, at upang maitaguyod ang isang pirmi at tiyak na patakaran, dapat kaya nitong umasa sa kanyang sariling awtoridad at pati rin sa malaking mayorya ng Komite Sentral.

Kapag itinaguyod sa ganitong batayan, ang Komite Sentral ng Partido, lalo na sa mga kaso ng mga ligal na partido, ay makakayang magbuo, sa pinakamaigsing panahon, ng isang pirming pundasyon para sa disiplina, na nangangailangan ng walang kundisyong tiwala ng kasapian ng Partido at kaalinsabay, ang mga lumalabas na pagaatubili at mga paglihis ay matatapos na ang kanilang paglitaw. Ang ganitong mga di-pangkariniwan na pangyayari sa loob ng Partido ay pwedeng alisin bago umabot sa yugto na dapat iharap ang mga ito sa isang Kongreso ng Partido para sa isang desisyon.

48. Ang bawat namumunong komite ng Partido ay dapat paghati-hatiin ang kanyang gawain sa hanay ng kanyang mga kasapi upang matamo ang kasanayan sa iba’t-ibang sangay ng trabaho. Nangangailangan ang pagbubuo ng iba’t-ibang mga espesyal na komite, halimbawa ng mga komite para sa propaganda, para sa gawaing editoryal, para sa kampanyang unyon, para sa komunikasyon, atbp. Ang bawat espesyal na komite ay maaring nakapailalim sa Komite Sentral o sa Komiteng Pandistrito.

Ang pagkontrol sa aktibidad, at pati rin ang komposisyon ng lahat ng mga komite, ay dapat nasa kamay ng kinauukulang mga komiteng pandistrito, at sa huling pagkakataon, sa mga kamay ng Komite Sentral ng Partido. Maaring magiging makabubuti sa pana-panahon, ang pagbabago sa trabaho at opisina ng mga kasamang nakakabit para sa iba’t-ibang gawain ng Partido kagaya ng mga tagapatnugot, mga organisador, mga propagandista, atbp., kung hindi ito masyadong makasasagabal sa gawain ng Partido. Ang mga tagapatnugot at mga propagandista ay dapat lumahok sa regular na gawain ng Partido sa loob ng isa sa mga grupo ng Partido.

49. Ang Komite Sentral ng Partido, at pati ang Communist International, ay may kapangyarihan sa anumang panahon, na hingin ang kumpletong mga ulat mula sa lahat ng mga organisasyong Komunista, mula sa kanilang mga organo at ng mga indibidwal na kasapi. Ang mga kinatawan ng Komite Sentral at ang mga kasamang binigyan ng kapangyarihan, ay dapat papasukin sa lahat ng mga pulong at sa mga sesyon, na may boses at pasya. Dapat laging meron ang Komite Sentral, na nakatalaga sa kanya, ng mga plenipotentiaries (i.e., mga Komisar para magbigay ng instruksyon at impormasyon sa mga namumunong mga organo ng iba’t-ibang mga distrito at mga rehiyon, hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang mga sirkular at mga sulat, kundi sa pamamagitan rin ng direkta at berbal, at ng mga responsableng mga kinatawan sa mga usaping pampulitika at mga organisasyon).

Ang bawat organisasyon at ang bawat sangay ng Partido, pati rin ang bawat indibidwal na kasapi ay may karapatan na direktang ipabatid ang kanyang sariling kahilingan, mga mungkahi, mga puna o mga reklamo sa Komite Sentral ng Partido o sa International sa anumang panahon.

50. Ang mga instruksyon at mga pasya ng mga namumunong organo ng partido ay obligadong sundin ng mga nakapailalim na mga organisasyon at ng mga indibidwal na mga kasapi. Ang mga responsibilidad ng mga namumunong organo at tungkuling iwasan ang kapabayaan sa gawain o ang pangaabuso sa kanilang namumunong pusisyon, ay bahagya lamang malalaman sa isang pormal na paraan. Kapag hindi gaanong pormal ang kanilang responsibilidad (halimbawa, sa mga iligal na Partido), lalong kailangan nilang pagaralan ang opinyon ng mga kasapi ng Partido, makakuha ng regular at solidong impormasyon, at magbuo ng kanilang sariling mga pasya pagkatapos lamang ng mabuti at masusing pagaaral.

51. Dapat laging kumilos ang mga kasapi ng Partido bilang mga disiplinadong mga kasapi ng isang militanteng organisasyon sa lahat ng kanilang mga aktibidad. Kapag may pangyayaring merong mga pagkakaiba ng opinyon kung ano ang tamang paraan ng pagkilos, dapat itong mapagpasyahan, sa abot ng makakaya, ng mga nagdaang mga talakayan sa loob ng organisasyon ng Partido, at ang pagkilos ay dapat umalinsunod sa desisyong narating. Kahit lilitaw na may mga mali ang desisyon ng organisasyon o ng komite ng Partido sa opinyon ng ibang mga kasapi, dapat hindi mawala sa paningin ng mga kasamang ito, sa lahat ng kanilang mga pampublikong aktibidad, sa katotohanan na ang pinakamalubhang anyo ng kawalan ng disiplina at ang pinakamalalang kamaliang militar ay hadlangan o ganap na wasakin ang pagkakaisa ng organisasyon.

Kataas-taasang tungkulin ng bawat kasapi ng Partido na ipagtanggol ang Partido Komunista, at una sa lahat, ang Communist International, laban sa lahat ng kaaway ng Komunismo. Sinumang nakakalimot, at sa halip ay tuligsain sa publiko ang Partido o ang Communist International, ay isang masamang Komunista.

52. Ang mga batas ng Partido ay dapat ibalangkas sa isang paraan na hindi ito magiging sagabal, kundi isang pwersang pantulong sa namumunong mga organo ng Partido, sa Komunistang pagunlad ng pangkalahatang mga organisasyon ng Partido at ang walang patid na pagunlad ng aktibidad ng Partido. Ang mga pasya ng Communist International ay dapat maagap na isakatuparan ng mga kasaping mga Partido, kahit sa kaso na kung saan ang mga katugon na pagbabago sa umiiral na mga batas at mga pasya ng Partido ay mapagtitibay lamang sa susunod na petsa.

IX. LIGAL AT ILIGAL NA AKTIBIDAD

53. Dapat mahusay na naorganisa ang partido, na lagi itong nasa pusisyon na mabilis na iangkop ang sarili sa lahat ng mga pagbabago na maaring mangyari sa mga kundisyon ng mga pakikibaka. Dapat umunlad ang Partido Komunista tungo sa isang militanteng organisasyon na may kakayahang iwasan ang mga hayagang sagupaan laban sa napakalaking pwersa ng kaaway, ngunit sa kabilang banda, dapat gamitin ang mismong konsentrasyon ng kaaway upang siya ay salakayin, doon mismo, na halos hindi niya paghihinalaan. Magiging pinakamasahol na pagkakamali para sa organisasyon ng Partido na ipagsapalaran ang lahat sa rebelyon at labanan sa kalsada o sa kundisyon lamang ng marahas na pagsupil. Pinagbubutihan ng mga Komunista ang kanilang panimulang rebolusyonaryong gawain sa bawat sitwasyon sa batayan ng kahandaan, dahil napakadalas, imposibleng makini-kinita ang nagbabagong agos ng mga yugto ng kaguluhan at katahimikan, at kahit sa mga kaso na pwedeng makita, hindi naman magagamit ang ganitong pagiintindi sa kinabukasan sa maraming kaso, dahil ang pagbabago, bilang isang batas, ay mabilis na dumadating, at madalas, halos ito ay biglaan.

54. Ang mga ligal na mga Partido Komunista ng mga kapitalistang bansa ay karaniwang bigo na masapol ang buong importansya ng tungkulin sa harap ng Partido, na dapat ay wastong nakahanda para sa armadong pakikibaka, o ang iligal na paglaban sa pangkalahatan. Ang mga organisasyong Komunista ay madalas nakakakamit ng pagkakamali ng pagsalalay sa isang permanenteng ligal na batayan para sa kanilang pag-iral at ng pagtataguyod ng kanilang gawain alinsunod sa mga pangangailangan ng ligal na tungkulin.

Sa kabilang banda, madalas bigo ang iligal na mga partido na magamit ang lahat ng mga posibilidad ng mga ligal na mga aktibidad, tungo sa pagtatayo ng isang organisasyon ng Partido na magkakaroon ng patuloy na ugnayan sa rebolusyonaryong masa. Ang mga lihim na mga organisasyon na isinasawalang-bahala ang mga napakahalagang katotohanang ito, ay nalalagay sa peligro ng pagiging mistulang mga grupo ng mga nagsasabwatan, na inaaksaya ang kanilang pagod sa walang-saysay na mga tungkulin.

Kapwa mali ang mga tendensyang ito. Dapat alam ng bawat ligal na Komunistang organisasyon kung papaano titiyakin para sa kanyang sarili, ang ganap na paghahanda para sa isang lihim na pag-iral, at higit sa lahat, para sa mga rebolusyonaryong pag-aalsa. Sa kabilang banda, ang bawat iligal na Komunistang organisasyon ay dapat lubusang gamitin ang mga posiblilidad na iniaalok ng ligal na kilusang paggawa, upang maging, sa pamamagitan ng masikhay na aktibidad ng Partido, ang organisado at tunay na pinuno ng dakilang rebolusyonaryong masa.

55. Kapwa sa hanay ng mga ligal at lihim na mga sirkulo ng Partido, may isang tendensya para sa mga iligal na Komunistang pang-organisasyon na aktibidad, na magbago tungo sa isang nakahiwalay na seksyon ng organisasyon at ang pananatili ng isang iligal mula sa ligal na pawang militar na organisasyon, na nakahiwalay mula sa iba pang organisasyon ng partido at aktibidad. Isa itong ganap na pagkakamali. Sa kabaligtaran nito, sa di pa rebolusyonaryong panahon, ang pagtatayo ng ating mga militanteng organisasyon ay dapat pangunahing makakamit, sa pamamagitan ng pangkalahatang gawain ng Partido Komunista. Dapat umunlad ang buong Partido tungo sa isang militanteng organisasyon para sa rebolusyon.

Ang mga nakahiwalay na mga organisasyong militar, na wala sa panahong nilikha sa hindi pa rebolusyonaryong panahon, ay malamang na magpapakita ng mga tendensya tungo sa pagkabuwag dahil sa kakulangan ng direkta at kapaki-pakinabang na gawaing Pampartido.

56. Kinakailangan, syempre para sa isang iligal na partido na protektahan ang kanyang mga kasapi at mga organo ng Partido, na matunton ng mga nasa kapangyarihan, at iwasan ang bawat posibilidad na mapabilis ang ganitong pagtunton sa rehistrasyon, walang-ingat na koleksyon, sa pamamagitan ng kontribusyon at hindi matalinong pamamahagi ng rebolusyonaryong materyal. Dahil sa mga ito, hindi nito pwedeng gamitin ang mga tuwirang pang-organisasyon na mga paraan kagaya ng isang ligal na Partido. Gayunpaman, kaya nito, sa pamamagitan ng praktika, na makatamo ng higit at higit pang kasanayan sa bagay na ito.

Sa kabilang banda, ang isang ligal na pangmasang Partido ay dapat buo-buong handa para sa iligal na gawain at mga panahon ng pakikibaka. Hindi dapat kailanman lubayan ang kanyang mga paghahanda para sa anumang mga pangyayari (viz. dapat itong magkaroon ng ligtas na mga lugar-taguan para sa mga kopya ng mga datos hinggil sa mga kasapi, at sa madalas na kaso, dapat sunugin ang mga liham, ilagay ang mga mahahalagang dokumento sa ligtas na lugar at dapat magbigay ng pagsasanay kung papaano ang palihim na pagkilos para sa mga tagabigay ng mensahe).

Ipinagpapalagay ng mga sirkulo ng mga ligal at pati ang mga iligal na Partido, na ang mga iligal na mga organisasyon ay dapat may katangiang eksklusibo, na ganap na institusyong militar, na umookupa sa loob ng Partido ng kahanga-hangang pagkakabukod. Lubhang mali ang ganitong palagay. Ang pagtatayo ng ating organisasyong panglaban sa hindi pa rebolusyonaryong panahon, ay dapat nakaasa, pangunahin, sa pangkalahatang gawain ng Partido Komunista. Ang kabuuang Partido ay dapat gawing organisasyong panglaban para sa rebolusyon.

57. Samakatuwid, dapat ibahagi ang ating pangkalahatang gawaing Pampartido, sa isang paraan na matitiyak na, sa di pa rebolusyonaryong panahon, ang pagtatayo at konsolidasyon ng isang organisasyong panglaban, katumbas ng mga pangangailangan ng rebolusyon. Napakataas na importansya, na ang namumunong organo ng Partido Komunista ay dapat ginagabayan, sa kanyang kabuuang aktibidad, ng rebolusyonaryong pangangailangan at dapat pagsikapan, sa abot ng makakaya, na makamit ang isang malinaw na ideya kung ano malamang ang mga ito. Natural, hindi ito madaling bagay, ngunit hindi dapat ito maging dahilan para iwanan ang pagsasaalang-alang sa napakahalagang usapin ng Komunistang pang-organisasyon na pamumuno.

Kahit ang pinaka-organisadong Partido ay makakaharap sa napakahirap at kumplikadong mga tungkulin, kung kailangan nitong dumaan sa napakalaking pagbabago sa pamunuan, sa panahon ng hayag na rebolusyonaryong pagaalsa. Pwedeng mangyari na ang ating pampulitikang Partido ay kailangang magpakilos sa loob ng ilang araw ang kanyang mga pwersa para sa rebolusyonaryong pakikibaka. Marahil ay kailangan nitong mapakilos, bilang dagdag sa mga pwersa ng Partido, ang kanilang mga reserba, ang mga organisasyong sumisimpatya, viz, ang di organisadong rebolusyonaryong masa. Ang pagtatayo ng isang regular na Pulang Hukbo ay wala pa sa usapan. Dapat tayong magtagumpay, na walang nakaraang organisadong hukbo, sa pamamagitan ng masa na nasa ilalim ng pamumuno ng Partido. Dahil dito, kahit ang pinaka-determinadong pagsisikap ay hindi magtatagumpay, kung hindi nakahandang mabuti ang ating Partido at organisado para sa ganitong pangyayari.

58. Marahil may nakasaksi na, na napatunayang ang rebolusyonaryong sentral na namumunong mga organo ay walang kakayahang umangkop sa mga rebolusyonaryong sitwasyon. Sa pangkalahatan, nagawang makamit ng proletaryado ang dakilang rebolusyonaryong organisasyon, kung maliliit na mga tungkulin ang paguusapan, ngunit halos laging kaguluhan, kalituhan at saligutgot sa punong himpilan. Minsan, may nagiging kakulangan kahit ang pinaka-elementaryang “pamamahagi” ng gawain. Sa madalas, napakasama ang pagkakaorganisa ng kawanihan sa paniktik, na mas marami pa ang nagagawa nitong pinsala kaysa sa mabuti. Hindi mapagkakatiwalaan ang pangkoreo at iba pang mga komunikasyon. Ang lahat ng lihim na pangkoreo at pangtranportasyon na mga pag-aayos, sikretong tirahan at ang pagiimprenta ay sa pangkalahatan, nasa kapangyarihan ng swerte o di swerteng mga sirkumstansya, at magdudulot ng magandang mga oportunidad para sa “mga ahente probokador” ng mga pwersa ng kaaway.

Ang mga depektong ito ay hindi malulunasan maliban kung magoorganisa ang Partido ng isang espesyal na sangay sa kanyang pangasiwaan para sa ganitong partikular na gawain. Ang gawaing paniktik militar ay nangangailangan ng praktika at espesyal na pagsasanay at kaalaman. Katulad din ang pwedeng sabihin sa lihim na gawain na nakadirekta laban sa mga pampulitikang pulis. Sa pamamagitan lamang ng mahabang praktika, ang mabuti-buting lihim na departamento ay malilikha. Para sa lahat ng ganitong mga ispesyalisadong rebolusyonaryong gawain, ang bawat ligal na Partido Komunista ay dapat magsagawa ng mga paghahanda, gaano man kaliit. Sa madalas na kaso, ang mga ganitong sikretong kasangkapan ay maaring likhain sa pamamagitan ng perpektong ligal na aktibidad.

Halimbawa, napakaposible na makapagbuo na sikretong komunikasyong pangkoreo at pangtransportasyon sa pamamagitan ng sistemang pagkokoda, sa matalinong pagaayos ng pamamahagi ng mga ligal na mga polyeto, at sa koresponsal sa loob ng pahayagan.

59. Dapat tinitingnan ng Komunistang organisador ang bawat kasapi ng Partido at bawat rebolusyonaryong manggagawa bilang isang inaasahang mandirigma sa rebolusyonaryong hukbo sa hinaharap. Dahil dito, dapat siyang italaga nito sa isang tungkulin na angkop sa kanya para sa kanyang papel sa hinaharap. Ang kanyang kasalukuyang aktibidad ay dapat mag-anyong kapaki-pakinabang na serbisyo, na kinakailangan para sa kasalukuyang gawain ng Partido, at hindi mistulang pagsasanay, na tinututulan ng kasalukuyang panahong praktikal na manggagawa. Hindi rin dapat kalimutan ninuman, na ang uri ng aktibidad na ito, ay sa bawat Komunista, ang pinakamahusay na paghahanda para sa mga pangangailangan ng huling pakikibaka.